ILL-GOTTEN WEALTH PWEDENG IPASOK SA MAHARLIKA FUND

MAAARI nang ipasok sa Maharlika Investment Fund (MIF) ang mga ill-gotten wealth para gamiting puhunan sa mga proyekto nito na hindi na kailangang humingi ng basbas sa Kongreso.
Ito ang isiniwalat ni House deputy minority leader France Castro kaugnay ng nasabing panukala na sinertipikahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., bilang urgent kaya inaasahang ipapasa na ng Senado sa susunod na linggo.

“Dahil sa pagpasok ng real and personal money dito ay na-equate natin ito sa ill-gotten wealth. Halimbawa, kung may pondo ang mga politiko o sinoman na manggagaling sa ibang bansa o saan man ipasok lang dito sa MIF. Halimbawa kung ito ay ill-gotten wealth,” ani Castro sa press conference kahapon.

Ayon sa mambabatas, itinuturing na worst version ang panukala na tinatalakay sa Senado dahil bukas na bukas umano ito sa katiwalian gaya ng money laundering dahil walang kapangyarihan ang Kongreso na busisiin ang mga proyekto na papasukin at paglalagakan ng pondo.

Kung sa ngayon aniya ay kailangang humingi ng permiso ang mga ahensya ng gobyerno sa mga pinaplanong proyekto na gagawin ng mga ito, sa MIF ay hindi na ito mangyayari.

“Isa pa sa ikinababahala natin ay ang pag-bypass ng MIF sa function ng Kongreso sa proyekto,” dagdag pa ng mambabatas bukod sa pwedeng ipressure ang mga namumuno sa Social Security System (SSS), Government  Service Insurance System (GSIS) at Pag-IBIG fund para maglagak ng puhunan.

Sinabi naman ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas na nakakatakot ang pagsusugal ni Marcos gamit ang pera ng taumbayan gayung nakakaranas ngayon ng krisis sa ekonomiya ang iba’t ibang bansa.

Ang nakakabahala pa aniya ay maaaring umupo bilang board of directors ang mga dayuhan na siyang mamamahala sa P500 billion na pondo ng mga Pilipino kaya lalo aniyang manganganib ang pensyon ng mga tao. (BERNARD TAGUINOD)

182

Related posts

Leave a Comment