LTCC UMAYUDA SA TAAL VICTIMS

LTCC

NAGKALOOB ng tulong ang Laguna Thursday Civil Club (LTCC), sa pamumuno ni Chairman Cesar Areza, sa mga biktima ng Bulkang Taal, sa pamamagitan ng pamamahagi ng tatlong sasakyan ng purified water noong Sabado, Enero 18, 2020, sa evacuation centers sa Magallanes, Cavite.

Bukod kay Chairman Areza kasama rin sa nasabing pamamahagi ng tulong ang ilang mga opisyal ng LTCC kabilang si Rico “Okie Dokie” Tiamson na anchorman ng DWBC87.9 FM sa sa Biñan City, Laguna.

Nakibahagi rin sa nasabing pagkikos ang Saksi Ngayon News team kabilang ang Vice President at General Manager ng PeryodikoFilipino Inc. na si G. James Andrada.

Ang pagdating ng grupo ay sInalubong  nina Hon. Jasmin Angelli Maligaya Bautista, municipal mayor ng Magallanes, Cavite; Pol. Col. Marlon Roque Santos, Provincial Director Cavite, Provincial Police Office; P/Capt. Valero Bueno, OIC Magallanes Municipal Police Station; P/Capt. Edgar Fulay, CSG-Team Leader Augment mula sa Camp Crame, Quezon City, at iba pang mga empleyado ng nasabing munisipyo.

LTCC2Nagpasalamat naman si Mayor Bautista kay Chairman Areza sa paghahatid ng tatlong sasakyan ng purified water dahil malaking tulong ito sa mga naapektuhan ng pag-aalburuto ng Bulkang Taal, na nasa kanilang bayan ngayon.

Sa panayam kay Mayor Bautista, sinabi niyang bukas sila sa lahat ng mga naapektuhan ng Bulkang Taal.

Kabilang umano sa mga napunta sa kanilang evacuation centers ay mga residente na nagmula sa bayan ng Talisay sa lalawigan ng Batangas.

Ang bayan ng Talisay ay isa sa pinakanaapektuhan ng pag-aalburoto ng Bulkang Taal na nagsimula noong Enero 12, 2020.

Ang nasabing bayan ay isinailalim na sa lockdown ng mga awtoridad kaya hindi pinapayagang makapasok ang mga residente sa nabanggit na lugar upang matiyak ang kaligtasan nila.

Sa kasalukuyan, nasa ilalim ng alert level 4 pa rin ang Bulkang Taal dahil posibleng sumabog ito, anomang oras o araw.

Samantala, nanawagan si Mayor Bautista sa iba pang mga bayan na malapit sa Batangas, na tumanggap ng mga bakwit bilang tulong sa mga ito partikular sa mga labis na napinsala ng bulkan.

Ani Mayor Bautista, bagama’t limitado ang kanilang pondo dahil 4th class municipality lamang sila, tinanggap nila ang mga bakwit dahil sa pagmamahal sa mga kapwa Filipino.

“Hindi namin matiis na may nakikita kaming kababayan na naghihirap dahil sa kalamidad na dulot ng Bulkang Taal,” dagdag pa ni Mayor Bautista. (JOEL AMONGO)

184

Related posts

Leave a Comment