Isa si Zuzette Castro sa mga nakakabilib na babaeng tumanggap sa hamon ng pagiging babaeng linecrew ng Meralco.
Bilang pagkilala sa kakayanan ng mga babae, lalo pang pinalawig ng Manila Electric Company (Meralco) ang mga programa nitong naglalayong isulong ang pantay na pagtingin sa mga kasarian sa industriya ng enerhiya.
Taong 2013 nang simulan buksan ng Meralco ang pagsasanay at pagtanggap sa mga babaeng linecrew. Sa katunayan, Meralco ang unang power distributor sa Timog Silangang Asya na nagbigay ng ganitong uri ng pagkakataon sa mga babae.
Naniniwala kasi ang Meralco sa kakayanan ng kababaihan na gampanan ang tungkulin ng linecrew at para bigyan rin sila ng karagdagang oportunidad sa industriya ng enerhiya.
Sa ilalim ng programang Meralco Linecrew Training Program (MLTP), nililinang ng kumpanya ang kakayanan ng mga babaeng nais maging mga linecrew. Upang maging bahagi ng programa, kinakailangan ay nakapagtapos ng Senior High School ang isang babae, may tangkad na hindi bababa sa 5’2 feet, may malusog na pangangatawan, hindi nalulula at mayroong student driver’s license.
Ang MLTP ay binubuo ng mga lecture, mga ehersisyo, mga pagsusulit, at on-the-job training (OJT) program para patuloy na madagdagan ang mahuhusay na linecrew ng Meralco. Bukas ang programa sa parehong lalaki at babae. Dahil sa naniniwala ang Meralco sa pantay na pagtingin sa mga babae at lalaki, pareho ang training na binibigay nito sa mga lalaki at babaeng nagnanais maging linecrew.
Ang pagsasanay ng MLTP ay umaabot ng anim (6) na buwan kung saan tatlong (3) buwan nito ay nasa training camp at tatlong (3) buwan naman ang nakalaan sa OJT upang magkaroon ng praktikal na aplikasyon ng mga aral mula sa programa ang mga nagsasanay maging linecrew.
Ang mga makakatapos at makakapasa sa MLTP ay pormal na ine-endorso sa Meralco para maproseso na ang kanilang opisyal na pagpasok sa kumpanya bilang mga linecrew.
Katulad ng ibang aplikante, kinakailangan kumpletuhin ng mga nagsipagtapos ng MLTP ang mga hiring requirement ng Meralco upang sila ay pormal nang makapagsimula ng trabaho at ma-deploy.
Mayroong 23 na babaeng linecrew ang Meralco sa kasalukuyan. Ngayong taon, pitong bagong babaeng linecrew ang inaasahang magiging bahagi ng kumpanya pagkatapos nilang makumpleto ang kanilang pagsasanay noong nakaraang taon.
ABANTE BABAE. Makikitang umaakyat ng poste si Zuzette Castro, isa sa mga mahuhusay na babaeng linecrew ng Meralco.
HUSAY NG KABABAIHAN
Isa sa mga pinakabagong babaeng linecrew ng Meralco ang 34-anyos na si Zuzette Castro.
Dating overseas Filipino worker (OFW) sa Dubai si Zuzette kung saan nagtatrabaho siya bilang kahera sa isang gasoline station. Umuwi siya sa Pilipinas noong kasagsagan ng pandemya at na-engganyong lumahok sa MLTP noong 2022 matapos makita ang isang post sa Meralco Careers sa Facebook.
Pag-aalala ni Castro, isang taong gulang pa lamang ang kaniyang anak na lalaki nang magdesisyon siyang magsanay sa ilalim ng MLTP.
“Mahirap talaga maging linecrew pero na-momotivate ako pag naiisip ko yung anak ko at syempre yung pride na rin sa trabaho ko na nakakapagserbisyo ako sa publiko,” ani Castro.
Nagbunga ang lahat ng pagsusumikap at pagpupursigi ni Castro dahil opisyal siyang naging linecrew ng Meralco noong nakaraang taon. Kasalukuyan ay kaisa si Castro sa misyon ng kumpanya na maghatid ng liwanag bilang isang third-class female linecrew.
“Malaki talaga pinagbago ng buhay ko mula nung sumali ako sa Meralco kasi mas naaalagaan ko ng mabuti yung anak ko. Dati nakikitira kami, ngayon nakabukod na kami”, ani Castro.
Katulad ni Castro, nagpapamalas din ng angking galing si Karen Cañizares na bahagi ng kauna-unahang batch ng mga babaeng linecrew trainee ng Meralco noong taong 2013.
Kabilang si Castro sa grupo ng 13 kababaihan na nagsanay at pumasok sa kumpanya bilang mga linecrew.
Ayon kay Cañizares, lumahok siya sa MLTP kasunod ng imbitasyon sa kanya ng isang kaibigan at nagpatuloy sa pagpasok sa Meralco.
Dahil sa kaniyang angking galing at sipag, dalawang beses nang na-promote si Cañizares at kasalukuyan at isa nang Quality Inspector ng kumpanya.
“May career growth dito sa Meralco at hindi ka nila tatratuhin na iba dahil babae ka,” aniya.
“Kagaya sa ibang trabaho, kailangan mo rin patunayan yung sarili mo para ma-promote ka. Basta pursigido ka at pinagbubuti mo yung trabaho mo, magtatagumpay ka,” pahayag pa niya.
Si Castro at Cañizares ay iilan lamang sa mga kababaihan ng Meralco na patuloy na nagpapamalas ng angking galing at talino. Batay sa pinakabagong datos, nasa 23% ng populasyon ng mga empleyado ng Meralco ay mga babae, higit sa 13% na pandaigdigang kalahatan sa industriya ng enerhiya.
(Joel O. Amongo)
95