PAGPAPABUTI NG ANTAS NG EDUKASYON SA MGA LIBLIB NA PAARALAN SA BANSA. Muling nagtulungan ang One Meralco Foundation (OMF) at ang Lenovo Philippines, Inc. (Lenovo Philippines) sa ilalim ng school electrification program ng OMF. Nasa larawan ang mga pumirma sa Deed of Donation na sina (nakaupo L-R) Meralco FVP at Head of Information, Communication, Technology and Transformation Rocky D. Bacani; Meralco Chief CSR Officer at OMF President Jeffrey O. Tarayao; Lenovo Philippines President at General Manager Michael Ngan; at Meralco EVP at Chief Operating Officer Ronnie L. Aperocho; Dumalo rin bilang saksi sa pirmahan sina (nakatayo L-R) Meralco Chief Revenue Officer at OMF Trustee Ferdinand O. Geluz, Meralco Head ng Public Relations Claire-Ann Marie C. Feliciano, Lenovo Philippines Marketing Manager Anna Maria Abola; One Lenovo Client Manager Janine Laygo-Librea; Lenovo Philippines Enterprise Segment Lead Raymond Remoquillo, Meralco VP at Head of Corporate Communications Joe R. Zaldarriaga; at Lenovo Philippines Small Medium Business Segment Lead Clark L. Popple.
Muling nagtulungan ang One Meralco Foundation (OMF), ang social development arm ng Manila Electric Company (Meralco), at ang Lenovo Philippines Inc. sa pagpapabuti ng kalidad ng edukasyon sa mga paaralang nasa liblib na sulok ng bansa.
Pumirma ng Deed of Donation ang OMF at Lenovo Philippines para sa mga laptop na ipamamahagi sa iba’t ibang paaralan sa Sarangani, Sultan Kudarat, Palawan, at South Cotabato na sakop ng school electrification program ng OMF.
Ayon kay Lenovo Philippines President at General Manager Michael Ngan, makatutulong ang donasyon sa mga guro at mag-aaral para maiangat pa ang antas ng kanilang kaalaman gamit ang makabagong teknolohiya.
Taong 2022 unang nakipagtulungan ang Lenovo Philippines sa OMF at namigay ng mga laptop at back-to-school kit sa Baliguian Elementary School, Polopiña Elementary School, at Canauillan Elementary School sa probinsya ng Iloilo.
Binigyang-diin naman ni OMF President at Meralco Chief Corporate Social Responsibility Officer Jeffrey O. Tarayao na mas nagiging makabuluhan ang kanilang mga inisyatiba sa tuwing nakararating ang programa ng OMF sa mga malalayo at liblib na bahagi ng bansa.
Labis din ang pasasalamat ng OMF sa mga kumpanya gaya ng Lenovo Philippines sa pagbisita at pagsuporta sa mga komunidad na kanilang tinutulungan.
Layunin ng school electrification program ng OMF na makapaghatid ng liwanag at pag-asa gamit ang solar power sa mga paaralang nasa liblib na bahagi ng bansa. Mula nang inilunsad ang programa noong 2012, umabot na sa 290 ang bilang ng mga paaralang natulungan ng OMF. Kung susumahin, 89,235 na mag-aaral at 2,903 na mga guro ang direktang nakinabang sa programa.
Ayon kay Meralco Executive Vice President at Chief Operating Officer Ronnie L. Aperocho, malaking bahagi ng adbokasiya ng Meralco ang pagtulong na maging mas produktibo ang mga guro, mag-aaral, at komunidad sa mga liblib na lugar sa bansa sa pamamagitan ng pagbibigay ng serbisyo ng kuryente.
Dagdag pa niya, umaasa ang Meralco at OMF na patuloy silang makatutulong sa pagpapabuti at pagpapataas ng antas ng pamumuhay ng mga komunidad sa loob at labas ng prangkisa ng kumpanya para makamit ang sustainable na kinabukasan para sa lahat.
