MERALCO LINECREW LAGING HANDANG TUMUGON SA TAWAG NG TUNGKULIN

KATAPANGAN AT MALASAKIT. Ang mga linecrew ng Meralco ay bahagi ng mga bagong bayani ng bansa na handang tumugon sa tawag ng tungkulin saan man.

(Joel O. Amongo)

Ang patuloy na pagbabago ng klima ay isa sa mga pinakamalaking banta sa kaligtasan at kabuhayan ng mga Pilipino lalo na at mas tumitindi ang pagbaha sa bansa lalo na tuwing may bagyo.

Habang ang karamihan ay abala sa paglikas tuwing may bagyo, pagbaha, o sakuna, mayroong mga Pilipinong pinipiling unahin ang pagseserbisyo sa kapwa kaya naman nagsisilbi silang inspirasyon ng natatanging katapangan at kabayanihan.

Kabilang sa hanay ng mga Pilipinong nagpapakita ng kabayanihan ang mga masisipag at magigiting na linecrew ng Meralco na laging handang tumugon sa tawag ng tungkulin.

Ang lahat ng linecrew ng kumpanya ay sumasailalim sa Meralco Linecrew Training Program (MLTP) kung saan sila ay hinahasa sa iba’t-ibang aspeto ng trabaho ng isang linecrew upang matiyak ang kanilang kahandaan. Bukod pa sa mga aralin, bahagi rin ng MLTP ang mga pagsasanay sa pag-akyat ng poste, paghawak sa mga high-voltage facility at iba pa.

Mapa-babae man o lalaki, ang mga linecrew ng Meralco ay handang maglingkod sa bayan 24/7, hindi lamang sa mga lugar na pinagseserbisyuhan ng kumpanya kundi saan man sa bans ana kinakailangan ang kanilang tulong.

Sa loob ng maraming taon, aktibong sumasaklolo at tumutulong ang Meralco at mga linecrew nito sa tawag ng tulong saan man sa bansa, higit lalo tuwing panahon ng sakuna at bagyo.

Sa katunayan, nitong nakaraang taon lamang ay nagpadala ang Meralco ng mga kinakailangang kagamitan pati na rin mga linecrew at inhinyero para tumulong ibalik at isaayos ang serbisyo ng kuryente sa Ilocos Norte matapos ang pananalasa ng Super Typhoon Egay.

Kabilang sa mga tumugon sa tawag ng tulong sa Ilocos Norte si Ronniel Reyes—dating linecrew ng Meralco at ngayon ay general foreman na sa kumpanya.

BAGONG BAYANI. Si Ronniel Reyes ng Meralco ay isa sa mga magigiting at matatapang na tagapaghatid ng liwanag.

Sa loob ng 18 taon na pagiging tagapaghatid ng liwanag ni Reyes, mapalad aniya siya na mapabilang sa walong (8) typhoon power restoration sa labas ng mga lugar na nasasakupan ng prangkisa ng Meralco. Simula noong taong 2013 hanggang ngayon ay aktibong sumasama si Reyes sa mga power restoration efforts ng Meralco sa labas ng franchise area tuwing may bagyo.

“Nakakatakot syempre kapag bagyo kasi habang lumilikas yung mga tao, papunta kami doon kaya dapat buo yung loob mo,” ani Reyes.

Kahit pa mayroon nang asawa at anak si Reyes, patuloy pa rin siya sa pagpapakita ng malasakit sa mga kapwa Pilipino saan man sa bansa.

“Sa akin, mas mainam na tayo ang tumulong kaysa tayo ang tulungan,” ani Reyes. “Sabi ko nga sa misis ko, hangga’t ako’y nakakasama sa mga power typhoon restoration, hangga’t ako’y nakakatayo sa dalawang paa ko ay sasama ako.”

Kabilang si Reyes sa mga tumulong ibalik ang serbisyo ng kuryente sa Tacloban, Leyte noong tumama ang Super Typhoon Yolanda taong 2013—ang pinakamalakas na bagyong tumama sa bansa.

“Yung pagsama, pagtulong doon, yung tuwa na nakatulong ka ay hindi kaya bayaran ng pera yun eh,” aniya.

Kahit pa noong panahon ng pandemya ay patuloy pa rin si Reyes sa pagsama sa mga power restoration efforts ng Meralco sa iba’t-ibang lugar sa bansa. Noong taong 2020, kabilang din si Reyes sa grupo ng mga Meralco linecrew na tumulong ibalik ang serbisyo ng kuryente sa Albay, Bicol matapos tumama ang Super Typhoon Rolly.

BAYANIHAN. Agad na rumesponde sa tawag ng tulong ang Meralco at mga linecrew nito para ibalik ang serbisyo ng kuryente sa Albay matapos manalasa ang Super Typhoon Rolly noong 2020.

Kuwento ni Reyes, ang pagiging tagapaghatid ng liwanag ng Meralco ay isang karangalan para sa kaniya dahil nagsisilbi itong paraan para masuportahan niya ang kaniyang pamilya, tumulong sa kapwa, at magsilbi sa bayan.

“Nakakatuwa na nasa Meralco ako kasi napo-provide ko yung kailangan at gusto ng pamilya ko,” aniya.

“Super proud ako na nasa Meralco ako. Galing kasi ako sa mahirap na pamilya so nakaka-proud na ngayon nakakakain na kami ng tatlong beses sa isang araw, minsan sobra pa,” dagdag pa ni Reyes.

Si Reyes ay isa lamang sa mga magigiting, masisipag, at Makabayan na linecrew ng Meralco na kabilang sa hanay ng mga bagong bayani ng bansa. Siya kasama ang iba pang mga linecrew ng Meralco ay laging handang sumagot sa tawag ng tulong para makapaghatid ng liwanag saan man kailangan.

“Hindi biro ang trabaho ng isang linecrew kasi yung matataas na poste at buhay na linya yung kinakaharap mo, sa araw-araw. Sa mga kapwa ko linecrew, pag-aralan mabuti ang trabaho. Laging magdadasal. Isipin niyo lagi pag lumalabas kayo ng bahay niyo ay may pamilyang naghihintay sa inyo. Bawat gawa, gawin ng tawa para sa bayan,” ani Reyes.

54

Related posts

Leave a Comment