MAGANDANG simulan ang umaga ng ehersisyo na gigising talaga sa daloy ng iyong dugo.
Marami nang pag-aaral ang nakapagpatunay sa mga benepisyong hatid ng regular na pag-eehersisyo sa ating kalusugan, lalo na sa ating puso, baga, at mga buto at kalamnan.
Kaya naman mainam talaga na ito ang pinakaunang gawin sa umaga. Narito ang ilan sa mga simpleng ehersisyo na talaga namang manggigising ng buong araw mo:
JOGGING
Ang simpleng paglalakad o pagtakbo o jogging sa umaga ay mabuti para sa kalusugan ng puso. Ayos ito gawin sa mga mapupunong lugar para makalanghap ng sariwang hangin habang tumatakbo.
PUSH UP
Madali lang itong gawin at pwedeng-pwedeng isingit sa busy schedule mo. Kahit saan basta’t may malawak na sahig na pwede kang humiga at mag-push up, go lang nang go. Gawin ito nang paulit-ulit na kasabay ng tamang paghinga — inhale kapag binababa ang katawan, at exhale naman kung itataas ang katawan. Matutulungan nitong palakasin ang mga kalamnan sa braso, balikat, at dibdib. Pwede ka pang magka-abs!
SQUAT
Magandang pampalakas ng hita, binti, at balakang ang leg squats. Kinakailangan lamang ibaba at iangat ang katawan sa pamamagitan ng tila pag-upo sa ere. Gawin ito pababa at pataas ng 12 hanggang 15 na ulit. Ingat lang sa mga nirarayuma.
LUNGES
Ang lunges ay ang paghakbang ng isang binti habang dumadahilig paharap (leaning forward). Pinapanatili ang posisyon nang ilang segundo pagkatapos ay ipapalit naman ang kabilang binti. Inuulit ito nang 12 hanggang 15, o depende sa ninanais.
JUMPING JACK
Karaniwan nang ginagawa ang jumping jack bilang warm-up exercise. Tatalon pataas kasabay ng pagbuka ng hita at paglapat naman ng mga kamay habang nakataas. Nakatutulong ito sa mga kalamnan ng hita at pati na sa balikat. Mas magandang gawin ito sa malawak na lugar.
195