(ANN ESTERNON)
May rayuma ka? Puwes, bawal sa iyo ang kumain ng mga pagkaing may munggo!
At anu-ano ang mga pagkaing ito? Pwedeng gisadong munggo, hopiang munggo at kahit pa ang lumpiang togue, ginataang munggo at iba pa.
Pero bawal ba talaga ang munggo sa may mga rayuma? May katotohanan ba ito?
Hindi napatunayan sa pag-aaral na ang munggo ay sanhi ng pagkakaroon o pag-atake ng rayuma.
Pero kung may katabaan ka o sadyang mabigat ang iyong timbang, iyan pa ang tunay na dahilan ng pag-atake ng rayuma.
Talakayin pa natin ito.
PURINE SA MUNGGO, HINDI MATAAS
Hindi dapat sisihin ang munggo at maging dahilan ito para hindi kainin dahil lamang sa pagkakaroon ng rayuma o kahit pa gout arthritis. Hindi ito ang dahilan ng pagsakit ng kasu-kasuan.
Ang gout ay isang uri ng arthritis na nade-develop kapag ang blood uric acid ay abnormal ang pagtaas.
Ang uric acid ay namumuong kristal sa joints o mga kasukasuan at ang sakit ay madalas na nararanasan sa mga paa at hinlalaki sa parteng ito.
Ang pagkakaroon ng gout arthritis ay dahilan ng mataas na uric acid sa katawan ng tao.
Ang uric acid ay ang natural waste product mula sa pagtunaw ng mga pagkaing may purine.
Ang pagkakaroon ng gout arthritis ay maaaring makuha sa mataas na purine. Ngunit ang munggo ay hindi mataas sa purine.
Kung tayo ay mataba, naroon ang dahilan ng pagtaas ng uric acid.
Dapat nating tandaan na 80 porsyento ng uric acid ay nagmumula sa ating katawan. Samantala, ang 20 porsyento nito ay mula sa ating mga kinakain – pero siyempre depende pa rin sa ating mga kinakain.
Muli nating alalahanin: Kapag mabigat ang ating timbang, mas mataas ang ating uric acid.
ANO ANG PURINE, SAAN ITO NAKUKUHA?
Ang purine ay matatagpuan sa iba’t ibang mga pagkain tulad ng red meat, sardinas, beer at iba pa.
Ang purine ay nabubuo rin at nalulusaw sa ating katawan. Nawawala ang uric acid sa katawan sa tuwing tayo ay umiihi o dumudumi. Pero kung hindi normal ang functions ng organ – para umihi at dumumi – posibleng umatake ang uric acid.
Kapag mataas ang lebel ng uric acid, maaaring senyales ito ng pagkakaroon ng gout. Malalaman mo iyan kung ikaw ay sasailalim sa blood test.
Ang medication ay ang pinakamahusay na paraan para malunasan ang gout.
Ang certain medication na mula sa doktor ay nakatutulong upang malunasan ang pamamaga at iba pang sintomas na nangyayari kapag inaatake ng gout.
Sa medication nalulunasan nito ang underlying metabolic (chemical reaction sa katawan) condition ng hyperuricemia, ang sobrang uric acid sa dugo.
Nilinaw ng mga doktor na tanging ang mga may gout arthritis lang ang dapat na umiwas sa mga pagkaing mataas sa purine.
May isang uri ng rayuma na ang tawag ay osteoarthritis. At ang disorder na ito ay nakasisira ng cartilage dahilan para magkiskisan ang buto at makaranas ng pananakit.
Ang cartilage ay isang mahalagang structural component sa ating katawan. Mas matibay ang tissue na ito pero malambot at mas flexible kumpara sa buto.
Para maiwasan ang osteo¬arthritis, kailangang umiwas sa fatty at sweet food.
LIFESTYLE DAPAT MABAGO
Sa pagkakaroon ng gout, may medications na pantapat dito para ito ay maiwasan. Pero mahalaga rin na mabago ang kinakain at ang lifestyle o uri ng ating pamumuhay. Isang dahilan pa para magkaroon ng gout ay ang postmenopausal.
Gayunman, ang peligro sa pagkakaroon ng gout ay depende sa mga salik o dahilan. At sa puntong ito ay kailangan at mahalagang kumonsulta sa doktor.
PAANO MAPABABABA ANG URIC ACID?
Ano ang mga mahuhusay na paraan para mapababa ang lebel ng uric acid sa ating katawan.
– Bawasan ang purine intake. Tinutukoy natin dito ay ang purine na nasa mga pagkain. At ang ilan sa matataas sa purine na pagkain ay katulad ng pagkain ng sardinas, dilis, tamban, tahong, tulya, lukan.
Kabilang din dito ang mamantikang pagkain tulad ng bacon, dairy products, karne ng baka o baboy, organ meats gaya ng atay.
Isama pa natin dito ang mga matatamis na inumin at pagkain, sobrang alcohol sa katawan (beer, liquor).
Samantala, ang mga pagkain naman na may moderate na dami ng purine ay tulad ng deli meats, ham, manok o pabo, talaba, oyster, hipon, alimasag o alimango, at lobster.
– Kumonsumo ng low purine content food. Ang halimbawa ng mga ito ay low-fat and fat-free dairy products, karamihan sa mga gulay at prutas, kape, whole-grain na bigas, tinapay, patatas, peanut butter at iba pang mga mani.
– Iwasan ang ilang mga gamot tulad ng diuretic drugs o gaya ng furosemide (Lasix), hydrochlorothiazide, maging ang low-dose aspirin.
– Makatutulong din ang vitamin C supplement. Nakatutulong ito para mapababa rin ang lebel ng uric acid sa katawan.
– Kumain ng cherries. May mga mura lamang nito na nabibili sa abot-kayang halaga. Mayroon din namang nabibiling juice nito bilang alternatibo.
Kaya isang sagot pa sa tanong kung nakaka-rayuma ba ang munggo… depende iyan, halimbawa, sa inilalahok sa gisadong munggo.
HAKA-HAKA LAMANG NA NAKAKA-RAYUMA ANG MUNGGO
ISA sa dahilan kung bakit laging itinuturong salarin ng pag-atake ng rayuma o gout arthritis ay dahil sa pagkain ng munggo. At ang madalas kasing kasama ng pagkain ng munggo ay ang karne, maliliit na isda, chicharon, at minsan ay beer kung gagawing pulutan ang gisadong munggo.
Kung ang gisadong mung¬go ay hinaluan pa ng dilis, ang dilis ang dapat sisihin. Kung maalat pa ang pagkakaluto at dehydrated ang katawan, ito ang isa pang rason ng pag-atake ng naturang sakit.
2022