Kung mangako ang mga kandidato akala mo madali…
(Ni BERNARD TAGUINOD)
Tuwing panahon ng kampanya, pinapangakuan tayo ng mga senatorial at congressional candidates na gagawa sila ng batas para magkaroon ng trabaho ang mga tao, tataas ang sahod, bababa ang presyo ng mga bilihin at kung anu-ano pa para lang makuha ang boto ng mga tao sa araw ng halalan.
Pero paano ba ang paggawa ng batas na tila napakadali sa mga kandidato na ipangako ito at napapaniwala nila ang mga tao na magagawa nila agad kapag sila’y nanalo?
Una, ikalawa, ikatlo at pinal na pagbasa
Sa legislative process ng Kamara, maghahain ng panukalang batas ang isang kongresista sa Bills and Index Division ng kapulungan at matapos ng tatlong araw ay ire-refer ito sa House Rules Committee.
Ang nasabing komite kung saan ang chairman ay ang House majority leader ang siyang magpapasya kung isasama ito sa order of business (OB) sa plenaryo ng Kamara at kapag naisama sa OB ay ire-refer naman sa komiteng nakasasakop sa interes ng inihaing panukala at ito ang tinatawag na “first reading”.
Ang komiteng pinagpasahan sa panukalang batas ay magpapatawag naman ng committee hearing at ipatatawag ang resources persons mula sa public at private sectors, academe at mga eksperto sa isyu ng nilalaman ng panukala at kung hindi naman kailangan ang pagdinig ay ang mga miyembro ng komite na lamang ang magpapasya kung kailangan bang aprubahan ito o hindi.
Pagkatapos ng mga pagdinig ng komite ay magkakaroon na ng amendments sa orihinal na panukala at pagsasama-samahin ang mga kahalintulad na panukala at saka gagawa ng committee report na aakyat naman sa Plenary Affairs Bureau upang mai-calendar para sa ikalawang pagbasa.
Dito na magkakaroon ng debate at amendments ng lahat ng miyembro ng Kongreso bago aprubahan sa pamamagitan ng viva voce voting o ayes (yes) at nye (no) votes at matapos ang tatlong session days ay muling ibabalik sa plenaryo para aprubahan sa ikatlo at huling pagbasa sa pamamagitan ng individual voting.
Kapag nakapasa na ang panukala ay hihintayin ang hiwalay na bersyon o ng Senado bago bumuo ng bicameral conference committee kung magtatalaga ang liderato ng Kamara at Senado.
Ang bicameral conference committee ay tinatawag ng marami na “third congress” dahil sila lang ang mag-uusap at magdedesisyon sa kabuuan ng panukala lalo na kung magkaiba ang bersyon ng dalawang kapulungan.
Matapos ito ay gagawa ng committee report ang bicameral conference committee base sa napagkasunduan ng mga itinalagang miyembro at hiwalay na isasalang ito sa ratipikasyon sa plenaryo ng Kamara at Senado.
Sakaling maratipikahan ay saka ie-enroll sa Office of the President para sa pirma ng pangulo bago maging batas. May kapangyarihan ang pangulo na i-veto ito at kung hindi nito pirmahan sa loob ng isang buwan ay awtomatikong magiging batas.
Anong garantiya na ang isang panukala na inihain ng isang mambabatas?
Noong 17th Congress na kasasara lang, 11,849 panukalang batas ang naihain ng mga kongresista subalit 2,505 lang ang naiprosesong panukala kasama na ang resolusyon.
Sa nasabing bilang base sa rekord ng Kamara noong Pebrero 8, 2019, 137 ang pinirmahan ni Pangulong Duterte na naging Republic Act (RA) at sa bilang na ito ay 29 ang national bills, 107 ang local bills at isang Joint Resolution.
Kabilang na rito ang 12 sa 28 Common Legislative Agenda (CLA) o mga panukalang batas na pinatrabaho ng Palasyo ng Malacañang sa dalawang kapulungan ng Kongreso o ang Senado at Kamara.
Kasama sa mga batas na nilagdaan ni Duterte noong 2017 ang Republic Act (RA) 10931 o Free Higher Education Act at RA 10963 o ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.
Noong 2018, nilagdaan ni Duterte ang RA 10969, Philippine Qualification Framework; RA 10969, Free Irrigation Service Act; RA 11032, Ease of Doing Business Act; RA 11035, Balik Scientist Act; RA 11036, National Mental Health Care Delivery System; RA 11058, Strengthening Compliance with Occupational Safety Health Standard at RA 11165 o Institutionalizing Telecommuting as Alternative Works Arrangement for Employees in the Private Sector Act.
Nitong 2019, 9 ang batas na nilagdaan ng pangulo na kinabibilangan ng RA 11199 o ang Social Security Act Amendments, RA 11203, Rice Trade Liberalization Act; RA 11201, Department of Human Settlements and Urban Development Act; RA 11215, Integrated Cancer Control Program Act; RA 11166, Philippines HIV and AIDS Policy Act; RA 11188, Special Protection of Children in Situation of Armed Conflict Act; RA 11211, The New Central Bank Act at RA 11285 o Institutionalizing Energy Efficiency and Conservation Act.
Naipasa rin ng Kongreso ang panukalang batas ukol sa End o Security of Tenure Bill, pagbibigay ng 100% na service charges sa mga waiter at mga empleyado ng mga restaurant, hotel at mga kahalintulad na establisimiyento subalit hindi pa ito napipirmahan ng pangulo habang isinusulat ito.
Indikasyon ito na walang garantiya na kapag inihain na ng isang mambabatas ang kanyang ipinangakong panukala sa panahon ng kampanya ay magiging batas na ito lalo na kung mahina itong mag-lobby sa administrasyon.
Karaniwang ipinapasa lang ng Kongreso ang mga panukalang batas na nasa legislative agenda ng pangulo kaya nabuo ang Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC) upang pag-usapan ng Executive at Legislative branch kung anong panukala ang ipaprayoridad nilang pagtibayin sa dalawang kapulungan.
Malimit na hindi umuusad ang mga panukalang batas na walang interes ang pangulo na maging batas ito at napatunayan dito ang kaso ng Reproductive Health (RH) Law na mahigit 13 taon ang binilang bago naging batas noong Disyembre 2012 nang ayunan ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ang panukala upang matulungan ang mga mag-asawang gustong magplano ng pamilya sa kabila ng matinding pagtutol ng simbahang Katoliko at mga pro-life advocates.
Mayroon ding mga pagkakataon na kahit gusto ng Kamara, kung ayaw ng kanilang counterpart sa Senado ay hindi rin magiging batas ito.
Ilan sa mga halimbawa rito ay ang House Bill No. 01 o ang pagbabalik ng Death Penalty o Parusang Kamatayan sa bansa na ginawang prayoridad noon nina dating House Speaker Pantaleon Alvarez kaya mabilis itong naipasa subalit hindi inaksyunan ng Senado kaya hindi naging batas hanggang ngayon.
Maging ang pagbabago o Charter Change (Cha Cha) o gawing parliamentaryo ang sistema ng gobyerno na isinulong at pinagtibay sa ilalim ng liderato ni House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo ay hindi nakalusot sa Senado.
Mga halimbawa ito na hindi lahat ng ipinangako ng mga kandidato ay magiging batas dahil nakadepende pa rin ito kung ano ang mga panukalang batas na nais ng Palasyo ng Malacañang na maipasa.
274