PINAKAUNANG PAMBANSANG OSPITAL, IPATATAYO NI CONG. NOGRALES SA RIZAL

Ni Joel O. Amongo

Puno ngayon ng pag-asa ang mga mamamayan ng lalawigan ng Rizal dahil sa itatayong ospital dito sa ilalim ng Department of Health (DOH).

Bunsod nito, noong Abril 12 ay nagsagawa ng ocular inspection si Rizal 2nd District Congressman Fidel Nograles sa lugar kung saan itatayo ang isang government hospital sa Brgy. San Jose ng Montalban sa naturang lalawigan.

Kasama ni Cong. Nograles sa kanilang ginawang inspeksyon ay sina DOH Region IV-A CaLaBaRZon Director Dr. Eduardo Janairo at Department of Public Works and Highways (DPWH) Rizal-II District Engineering Office Chief/Director Engr. Juliana Vergara.

Sa panayam ng SAKSI Ngayon kay Cong. Nograles, abot-abot ang kanyang tuwa na isasagawa na ang ground breaking ceremony sa Abril 23 sa itatayong DOH hospital na tinaguriang Northern Tagalog Regional Hospital na may isang ektarya o 10,000 square meters ang lawak ng lote.

Ito ay may dalawang palapag na may 100 hanggang 300 bed capacity kung saan makikinabang ang mga residente ng Montalban, San del Monte, Bulacan at Quezon City.

Ang ospital ay may out patient department na may dalawang palapag. Mayroon din silang dalawang basement. Sa unang basement ay parking at ang ikalawa ay dormitoryo o quarters ng medical health workers. Ang itaas na bahagi ay wards at may mga opisina o mga laboratory. Idinagdag din ng DOH na ang naturang ospital ay may isolation room base na rin sa standard ng kanilang ahensya.

Ibinalita rin na ang laboratory ay para sa dialysis, x-ray, ultrasound, 2-D echo, blood testing, at klinika, Emergency Room (ER), at Intensive Care Unit (ICU).

“Sa inisyatiba ni Rizal 2nd District Congressman Fidel Nograles at sa kanyang leadership dahil talagang pinaghirapan niya ito na magawan ng paraan na magkaroon tayo ng ospital dito. Ito ay isang level 2 hospital na initially mayroong 100 beds ang ilalagay natin, kumpleto with the equipment at mga tao na nalagyan na rin ng mga pondo. The sooner nating maitayo ito mas maaga nating maio-operate within the year. So ito ay maitatanaw na nating makatutulong nang malaki rito sa Montalban – at hindi lamang Montalban, kundi sa Payatas, San Mateo, at sa mga bulu-bulunduking barangay dito sa Rizal,” ani Dr. Janairo.

“Ito ay isang first DOH hospital sa Rizal. Sa ospital na ito narito ang surgery, Ob-Gyn o panganganak, internal medicine at pediatrics. Malay natin in due time magkaroon din tayo ng specialization gaya sa cancer, mata kapag gumagana na nang maayos itong ospital,” dagdag pa ng DOH Director.

Ayon naman kay Nograles, minamadali nila ang pagtatayo ng nasabing hospital dahil may hospital crisis ang bansa dahil sa pandemya dala ng Covid-19.

Inaasahan nila na mahigit sa isang taon ay matatapos na ang pagtatayo ng ospital na pinondohan ng mahigit sa P100 milyong initial fund mula sa General Appropriation Act (GAA). Ang bagay na ito ay ipinaliwanag pa nang husto ni Engr. Vergara.

“Ang target starting na maitayo ang ospital ay sa August 15 at sa susunod na taon na ito makukumpleto. Atin pong isinasapinal pa ang disenyo ng ospital. Ang proyektong ito ay kasali sa GAA or General Appropriations Act 2021 budget ngunit ito po ay nasa ilalim ng FLR o for later release,” ani Engr. Vergara. “Umaasa tayo na sa Hunyo ay matanggap natin ito, mai-award agad at masimulan na ang pagpapatayo ng ospital kaya ang target po talaga ay sa Agosto masimulan.”

Tiniyak ni Nograles na pagagandahin nila ang nasabing ospital para sa kapakinabangan ng maraming mamamayan lalo na ng mga senior sa Montalban at iba pang kalapit na mga lugar.

Sinabi pa ng mambabatas na naaawa siya sa mga senior na minsan ay nagtutungo pa sa Quezon City para lamang magpagamot kaya sinikap niyang magkaroon ng pampublikong ospital sa nasabing bayan.

Kasabay nito, taos-puso ring nagpasalamat si Cong. Nograles kina Mayor Tom Hernandez ng Montalban, 1Pacman Rep. Mikee Romero. Senator Bong Go, Gov. Nini Ynares, Engr. Vergara at Dr. Janairo sa naging tulong nila kaya naging posible ang pagtatayo ng ospital.

Tiniyak din ni Cong. Nograles na sisikapin niya sa susunod na taon na madagdagan ang pondo hanggang matapos ang konstruksyon ng naturang proyekto.

Ang 10,000 square meters na lote na pagtatayuan ng ospital ay donated din ng lokal na pamahalaan ng Montalban sa pamamagitan ni Mayor Tom Hernandez.

Sa panayam pa, nagpasalamat naman sa proyektong ito si Dr. Janairo. Sinabi niyang malaking bagay ang programa at inisyatiba na ito ni Cong. Nograles.

Ayon pa sa doktor, napakaswerte ng mga residente ng Montalban dahil may masipag silang kongresista na tulad ni Cong. Nograles na kapakanan ng taumbayan ang binibigyan ng importansiya.

Tiniyak naman ni Engr. Vergara na sa lalong madaling panahon, pagkatapos ng isasagawang ground breaking, agad nilang pasisimulan ang konstruksyon ng ospital sa tulong ni Engr. Chito Paz at ibang pang tauhan ng DPWH Rizal-II District Enginering Office.

Captions: RIZAL 2ND DISTRICT CONG. FIDEL NOGRALES

Kausap ni Rizal 2nd District Cong. Fidel Nograles (kaliwa) sina Engr. Juliana Vergara at Dr. Eduardo Janairo ukol sa nalalapit na konstruksyon ng pinakaunang pambansang ospital sa Rizal.

Ito ang mga larawan ng itatayong Northern Tagalog Regional Hospital na unti-unti nang natutupad at inaasahang mauumpisahan na ang konstruksyon sa Agosto 2021.

– Kuha ni Jhay Jalbuna

125

Related posts

Leave a Comment