Batid natin na ang pagtulog ay malaking benepisyo ang nagagawa sa ating kalusugan.
Kung mas tama ang haba ng tulog o kung sapat ito ay agad na nare-repair ang napagod at nasisirang parte ng ating katawan. Dito ay agad din tayong nakababawi at nanunumbalik ang resistensya at lakas para kumilos muli na nasa ayon.
Pero alam n’yo ba na pati ang posisyon sa pagtulog ay may taglay ding kapakinabangan sa ating kalusugan? Kung tama ang posisyon natin sa pagtulog ay maayos nating nakukuha ang benepisyo nito.
Alamin natin ang mga ito…
Ang posisyon natin sa pagtulog ay maaaring maging dahilan kung bakit mayroon tayong paghilik o kung bakit ito mas lumalala.
Ang posisyon din sa pagtulog ay daan upang magkaroon tayo ng heartburn o maging ang pagkakaroon ng kulubot sa mukha o wrinkles.
BACK SLEEPERS
Good Effect: Kapag ang likod natin ay nakalapat habang tayo ay natutulog, nagiging mabuti ito sa ating gulugod at leeg dahil diretso itong nakaposisyon at hindi puwersado sa anumang pagbaluktot.
Mas maiging nakatihaya tayong natutulog lalo na kung walang unang nakahambalang sa likod maging sa likod ng leeg upang napananatili ang neutral position.
May cosmeting benefits din ang pagtulog sa ganitong posisyon. Kapag back sleepers tayo, ang hangin ay malayang nakararaan o dumadampi sa ating mga mukha, kaya naman naiiwasan din dito ang pangungulubot ng ating balat o facial wrinkles.
Bad Effect: Kung ikaw ay humihilik habang natutulog, ang posisyong ito ay hindi akma para sa iyo. Kung nahihirapan ka sa paghilik dahil sa sleep apnea, lalo lamang lalala ito kung patihaya kang nakahiga dahil ang likod na bahagi ng iyong dila ay nagku-collapse sa airways o daanan ng hangin (nagiging relaxed masyado ang dila kaya may pagharang na nangyayari sa hangin). Hindi kasi nakadadaloy ang hangin nang maayos sa bibig hanggang sa lalamunan at hanggang sa baga at pabalik sa mga ito. Kung may pagbara sa hangin nagkakaroon ng paghilik at kung mas matindi ang pagbara ay mas tumitindi rin ang ingay ng paghilik.
Sa puntong ito, ipinapayo lagi ng doktor na matulog nang patagilid lalo na kung talagang may sleep apnea.
SIDE SLEEPERS
Good Effect: Ang pagtulog nang patagilid ay ang pinakapangkaraniwang posisyon ng pagtulog. Pero alam n’yo ba na mas may tamang posisyon din para rito?
Mas maiging matulog nang patagilid pero dapat ito ay sa kaliwa. Sa posisyon kasing ito nababawasan ang acid reflux at heartburn. Nakatutulong din ito para ma-boost ang panunaw ng ating sikmura at nagiging maayos din ang daloy sa drainage upang mailabas nang maayos ang toxins mula sa lymph nodes.
Maliban sa mga nabanggit, nakatutulong din ito para ang sirkulasyon ng dugo ay maging maayos at upang mailabas ng ating utak ang mga duming naririto.
Dahil sa anatomy o pagkakaporma at lokasyon ng ating organs, nakukuha lamang ang mga benepisyong ito kung ikaw ay matutulog nang patagilid at nasa kaliwang side.
Bad Effect: Ang posisyong ito ay hindi nararapat dahil nagkakaroon ng puwersa sa tiyan at baga kaya kailangang lumipat ng puwesto. Dapat lumipat ng puwesto lalo na kung nagsisimula nang maranasan ang pamamanhid ng braso sa mahabang oras.
May stress ding naibibigay ang posisyon sa pagtulog na ito kung talagang nakararamdam na ng pananakit sa balikat.
STOMACH SLEEPERS
Good Effect: Kung ang posisyon ng pagtulog ay nakadapa, mas nagiging daan ito upang ang paghilik ay mabawasan. Iyan lang talaga ang madalas na tulong nito.
Bad Effect: Kung nakadapa tayo at naiipit ang tiyan, ito na siguro ang pinakamalalang posisyon sa pagtulog. Ito kasi ang sanhi upang ang natural curve (natural na pagkabaluktot) ng gulugod ay nagiging flat kaya matapos ang pagtulog ay nakararanas ng pananakit ng likod sa bandang ibaba.
At kapag nakadapang natutulog, natural ding ang leeg ay nakaposisyon sa isang side lamang sa mahabang oras kaya kalaunan ay sumasakit din.
BOTTOM LINE
Ang pagtulog ay isang personal experience at nariyan sa posisyon na gusto natin ang pagiging komportable.
Sa mga posisyon sa pagtulog na nabanggit, nasa sa atin kung ano ang nakabubuti sa atin lalo na kung susubukan kung ano talaga ang mainam para sa atin o sa ating kalusugan.
Wala namang masama kung susubukan nating matulog sa ibang paraan naman o pupuwedeng paiba-iba sa iilang oras para malaman kung ano ang tama sa atin.
2201