SI RIZAL AT ANG WALANG DAHAS NA PAGKONTRA SA MGA KASTILA

RIZAL-1

(Ni Ann Esternon)   

Kahapon ay ika-158 na anibersaryo ng kapanganakan ni Gat Jose Rizal.

Ipinanganak si Rizal noong Hunyo 19, 1861 sa Calamba, Laguna.

Ang ama ni Jose ay si Francisco Mercado habang ang kanyang ina ay si Teodora Alonzo Realonda.

Sa kwento, ang kanyang mga magulang ay parehas na may dugong Intsik.

Sa kanilang pagmamahalan ay nagkaroon sila ng 11 mga anak kung saan si Jose ang pampito sa mga ito.

PANGALAN NI RIZAL

Jose Protacio Rizal Mercado y Alonso Realonda ang tunay na pangalan ng ating Pambansang Bayani.

Ang bawat pangalan niya ay may kahulugan at pinagmulan.

Ang Jose ay ibinigay sa kanya ng kanyang ina bilang pagkilala sa patrong si San Jose.

Ang Protacio ay pagbibigay karangalan kay San Protacio, isang martir, na ipinagdiriwang ang kapistahan kasabay ng araw ng kanyang kapanganakan.

Ang Rizal ay hango sa salitang Espanyol na ricial na ang ibig sabihin ay luntiang bukirin.

Ang Mercado ay apelyido ng kanyang ama na sa salitang Espanyol, ay nangangahulugang pamilihan.

Ang Alonso Realonda ay apelyidong ginamit naman ng kanyang ina.

Noong Nobyembre 21, 1849 ipinanukala ni Gobernador Heneral Narciso Claveria na ang bawat Filipino sa bansa ay pumili ng bagong apelyido mula sa mga apelyido ng mga Kastila at ito ay nasa librong Catalogo Alfabeticos de Apellido. Ang panukala ay nasa bisa ng Batas Claveria, hango sa pangalan ng nasabing heneral na nagsilbi sa Pilipinas mula 1844 hanggang 1849.

Ito ang dahilan kung bakit marami sa ating mga Filipino ay nagmula sa mga Kastila o mga pangalang hinango sa mga halaman, hayop, o geographic area.

Sa panahong yaon, ang apelyido ng ating Pambansang Bayani ay bunga ng mungkahi ng isang kaibigan ng kanilang pamilya na sila ay maging Rizal o Ricial na ang kahulugan ay “the green of young growth or green fields.”

EDUKASYON NI RIZAL

Si Rizal ay kilalang matalino o polymath dahil sa malawak niyang kaalaman.

Dahil ipinanganak siya sa panahon ng pananakop ng mga Kastila, namulat ito sa hindi patas nilang pamamalakad.

Si Rizal ay nag-aral mula sa mga kilalang paaralan sa bansa mula sa Justiniano Aquino Cruz sa Laguna, Ateneo Municipal sa Maynila, at University of Sto. Tomas.

Lahat ng mga kapatid ni Rizal ay nakapagkolehiyo rin sa Maynila at tanging si Jose lamang ang nagtungo sa Europa (Universidad Central de Madrid) upang mag-aral ng medisina, partikular na rito ang ophthalmology. May diperensya sa paningin ang ina ni Jose kung kaya’t ito ang naging hakbang niya para mag-aral nang husto.

SI RIZAL LABAN SA MGA KASTILA

RIZAL-3Ayon sa kasaysayan, ang pagsisimula ng pagiging political activist ni Rizal ay nang maakusahan ang kanyang ina noong Hunyo 1872 na lumason sa hipag nito ngunit walang sapat na ebidensya. Naging mas malala ito nang maaresto ng mga awtoridad ng mga Kastila dahil pinaglakad ang kanyang ina (na noo’y 45-anyos) mula sa Calamba sa Laguna hanggang provincial jail ng Sta. Cruz sa Maynila, ito ay may layong 50 kilometro.

Mahigit dalawang taong nakulong ang kaawa-awang ina ni Rizal.

Maliban dito ay nakagisnan din ni Rizal ang iba pang mga pang-aalipin at iba’t ibang uri ng pang-aabuso ng mga Kastila sa mga Filipino.

Ang pakikipaglaban ni Rizal ay idinaan niya sa mga mapayapang paraan na pagsusulat. Dito niya buong bangis na isiniwalat ang kabuktutang pamamahala ng mga Kastila sa Pilipinas kabilang na ang pangungurakot sa lakas at kaban ng bayan.

Bilang pagkontra ay marami siyang mga isinulat partikular ang kanyang mga nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo. Isa sa mga nakabasa nito ay ang matapang na bayaning si Andres Bonifacio.

Dito ay nagising ang mga Filipino at nagkaroon ng lakas para maging tunay na makabayan at tapusin ang pang-aabuso ng mga Kastila.

Dahil sa kanyang hindi marahas na paraan ay nagawa niyang pag-isahin ang mga Filipino.

Sa mga naisulat na yaon ni Rizal at pakikipaglaban pa niya sa mga mananakop na mga Kastila siya ay inaresto at kinasuhan ng rebelyon, sedisyon at pakikipagsabwatan kaya’t hinatulan ng kamatayan.

Nang babarilin na noon si Rizal, hiniling niyang barilin siya nang nakaharap at hindi nakatalikod sapagkat ayon sa kanya ay pagtataksil ‘yon sa bayan.

Sa pagkamatay ni Rizal, tinanggihan ni Doña Teodora ang alok ng mga Amerikano na tumanggap ng panghabambuhay na pensyon matapos na ideklarang Pambansang Bayani ang kanyang anak noong 1901.

“Ang aking pamilya ay hindi kailanman naging makabayan para sa pera.

Kung ang pamahalaan ay may maraming pondo at hindi alam kung ano ang gagawin dito, mas mabuti na bawasan ang mga buwis,” ang naging tugon ng ina ni Dr. Rizal sa mga opisyal na Amerikano.

PAMILYA RIZAL

Mga magulang: Francisco Mercado at Teodora Alonso Realonda

Mga kapatid: Paciano Rizal, Saturina Hidalgo, Josefa Mercado, Soledad

Mercado, Concepcion Mercado, Narcisa Mercado, Olympia Mercado, Lucia Mercado,

Trinidad Mercado, at Maria Mercado

 

GAT JOSE RIZAL

Ang “Gat” ay titulong isinusunod sa pangalan ng isang taong may mataas na karangalan na nakapag-ambag ng malaki sa bayan. Ang “Gat” ay nangangahulugan ding Lakandiwa.

RIZAL FACTS

– Ang taas ni Rizal ay 5’3” at ang sukat ng kanyang baywang ay nasa 25-26 pulgada.

– Ang mga paborito niyang prutas ay lansones at mangga.

– Ang iba pa niyang paboritong pagkain ay tuyo at kanin at mainit na tsokolate.

– May isang asong nasa Bagumbayan (ngayon ay Luneta Park) habang

binabaril ng mga sundalong Kastila si Rizal. Sinasabing ang aso ay tumakbo sa mga labi ni Rizal nang tamaan ito ng bala sa ulo para masigurong si Rizal ay patay na.

– Ang nagdisenyo ng kanyang monumento sa Luneta Park ay isang Swiss sculptor na si Richard Kissling na nanalo ng ikalawang premyo sa isang art competition noong 1907 upang mahanap ang pinakamahusay na modelo ng scale para sa future monument ni Rizal. Ang unang premyo ay napunta sa Italian sculptor na si Carlo Nicoli ng Carrara ngunit ang kontrata upang bumuo ng monumento ay ibinigay sa pangalawang-premyo na nagwagi. Ang disenyo ni Kissling ay gumamit ng unpolished granite at tanso, na mas mura kaysa kay Nicoli. Ayon sa Parks for a Nation, “Nicoli was reportedly not able to put up the construction bond required to build the monument. Still others claimed his designed was deemed too expensive as it used Carrara marble.”

– Si Rizal ay itinuturing ng marami bilang “Ama ng Komiks ng Pilipinas” dahil sa ilang mga nakatatawang mga guhit na ginawa niya noong siya ay nasa Germany.

652

Related posts

Leave a Comment