TIPS SA PAGHAHANAP NG TRABAHO

FIND JOB

Halos nasa kalagitnaan na tayo ng taon, at sa panahon ding ito ay sinasabing marami ang naghahanap ng trabaho at maraming mga kompanya ang may mga bakanteng posisyon para sa trabaho. Ito ay dahil malapit na ang panahon ng Kapaskuhan at abala na ang mga Filipino para rito kaya naroong may paghahanda na para sa okasyong nabanggit.

Pero higit sa nabanggit dapat mas nakatuon tayo sa ating sarili at sa magiging trabaho.

Career plan. Dapat magkaroon ng konkretong plano kung nanaisin mo talagang career ang mapunta sa iyo. Sa planong ito malinaw na nakikita ang direksyon na gustong tahakin para sa karerang inaasam.

Dito nakalagay din kung anu-ano ang mga possible companies na gusto mong paglaanan ng iyong skills and talents.

Update your resume. I-refresh at ihanda ang resume lalo na kung may kalahating buwan o isang taon na itong hindi nagagalaw. Hindi naman kasi magiging presentable ito sa magiging employer mo kung may inaaplayan kang posisyon sa kanilang kompanya. Tandaan na kapag hindi updated ang resume ay may ibang intindi rito ang magiging employer mo na mag-i-interview sa iyo. At kahit lumitaw sa resume na may partikular na panahon kang hindi nagtrabaho, dalawang taon halimbawa, ay magiging palaisipan sa interviewee kung ano ang ginawa mo sa panahong ito. At kung naging tambay ka lang ay lalong magre-reflect ito sa iyong imahe.

Online searching. Dahil kilala ang mga Filipino na mahilig magbabad sa internet, makakabuting mas gamitin ito sa paghahanap ng mga trabahong aangkop sa iyong kaalaman.

Maiging ang resume ay mai-post din sa mga kilalang job o recruitment sites. Siguraduhin lang na legal ang mga bibisitahing recruitment sites at dapat ay iisa lang ding resume ang ipo-post dito o hindi iba-iba ang nilalaman. Paghihinalaan ka ng mga employers kung iba-iba ang naka-post na resume dahil credibility mo rito ang nakasalalay.

Check your social network. Kung isa ka sa milyun-milyong gumagamit ng social network gaya ng Facebook, Instagram, Twitter at iba pa, ay kailangang ma-check ito nang mabuti. Siguraduhing malinis ang mga naka-post sa inyong mga accounts upang hindi ito masilip ng employers na nangangailangan ng mga aplikante na babagay sa job position na kailangan nila.

Kailangang walang makitang hate speech rito, rants, at iba pang uri ng pagiging keyboards warriors dahil ito ang mga halimbawang pangit na image ng isang personalidad na hindi nagpapakita ng professionalism sakali sa trabaho.

Maghanda at mag-practice. Kung handa na ang lahat dapat ihanda na rin ang sarili bago ang interview sa isang kompanya.

Higit na importante sa pag­hahandang ito ay ang mag-aral nang mabuti na may kaugnayan sa trabahong iyong inaaplayan.

Humarap din sa salamin habang sinasagot kunwari ang isang serye ng job interview.

Kasama sa paghahandang ito ay ang mga damit na gagamitin na kailangan pormal at hindi parang sa galaan lang ang punta. Linisin ang mga kuko at ayusin ang buhok, ang sarili bago humarap sa interview.

Mahalaga ring alamin ang mga kompanyang aaplayan at siguraduhing maayos ang reputasyon nito sa industriya kabilang na rito ang pagiging legal, kung maayos ang pagpapasahod sa mga empleyado o sa mga naging empleyado.

Madali ring malaman ito sa pamamagitan ng mga company review ng mga naging bahagi nito.

Alamin din ang lugar ng kompanyang pupuntahan. Maaaring i-Google ito para malaman ang mga rutang daraanan at maiwasan na maligaw at maging haggard ang itsura sa pagharap sa job interview.

Gumising din nang maaga, kumain nang maayos at ayusin nang husto ang sarili upang hindi mahuli sa pupuntahang kompanya at maging presentable ang itsura sa pagharap sa job interviewer.

Check your application result. Matapos na makapagpasa ng resume, matapos ang interview, magkaroon ng paghahanda na mabalikan ang mga kompanyang inaplayan. Ngunit bigyan ng sapat na oras ang kompanya na masuri nila ang resulta ng iyong job application.

Pero may dapat ding ikonsidera kung wala pa munang mahanap na trabahong gusto mo. Sa hirap ng panahon ngayon naroon ang payo na huwag na munang mamili ng trabaho at tiyagain muna ang trabahong nilalaan ng pagkakataon sa iyo. Pagsumikapan muna ito at kung may nahanap nang ibang mas mainam na trabaho na akma sa inaral mo ay saka na lamang lumipat.

173

Related posts

Leave a Comment