11th SUNOD NA PANALO TATANGKAIN NG PETRON

volley55

(NI JOSEPH BONIFACIO/PHOTO BY MJ ROMERO)

LARO NGAYON:

(Corpus Christi Gym

Cagayan De Oro)

4:00 p.m. — PLDT vs F2 Logistics

6:00 p.m. — Foton vs Petron

MATAPOS ang pambihirang comeback win kontra sa karibal na F2 Logistics kamakalawa, walang planong magpaawat ang Petron ngayon sa huling preliminary round assignment nito kontra Foton sa 2019 PSL All-Filipino Conference sa Corpus Christi Gym sa Cagayan De Oro City.

Sisiklab ang aksyon sa alas-6:00 ng gabi kung saan magtatangka ang Blaze Spikers ng ika-11 sunod na panalo upang masiguro ang no. 1 spot papasok sa playoffs na magsisimula na agad sa susunod na linggo.

Sa unang laro sa alas-4:00 ng hapon, hangarin naman ng F2 Logistics na makabalik agad sa winning column kontra sa PLDT mula sa masaklap na kabiguan sa Petron kamakalawa.

Upang makumpleto ang misyon sa huling laro sa elims kontra sa Tornadoes, sasakay ang Blaze Spikers sa 26-28, 27-29, 25-19, 25-20, 15-6 panalo nito kontra sa Cargo Movers.

Matamis na paghihiganti ito para sa Petron na nakalasap ng four-set loss sa kamay ng F2 noong first round.

Bukod sa revenge win, iyon na rin ang ika-10 sunod na panalo ng two-time champion na nagtulak sa kanila sa solo no. 1 spot ngayon hawak ang 12-1 baraha.

“The whole team is inspired and we will deliver our best here in Cagayan de Oro City because a lot of volleyball fans are watching,” ani head coach Shaq Delos Santos na aatasan sina Sisi Rondina, Bernadeth Pons, Mika Reyes, Aiza Maizo-Pontillas, Rhea Dimaculangan, Ces Molina at Denden Lazaro upang giyahan ang kanilang atake.

Sa pangunguna nina Jaja Santiago, Dindin Santiago-Manabat at Elaine Kasilag, handa naman ang Foton na makipagsabayan sa Petron lalo’t hangarin din nitong masiguro ang no. 3 spot.

Sa kabilang banda, nais naman ni head coach Ramil De Jesus na ikunsidera ng kanyang Cargo Movers ang talo sa Petron bilang magandang aral upang lalo nilang pag-igihan kahit pa bigo nilang madepensahan ang malinis na baraha.

Ayon kay De Jesus, mas magandang ngayon na sila nakalasap ng pagkatalo kaysa sa quarterfinals na may knockout format.

82

Related posts

Leave a Comment