1st TITLE DEFENSE NI MAGSAYO NILULUTO NA

Ni VT ROMANO

HINDI pa man nag-iinit sa mga kamay ni Mark ‘Magnifico’ Magsayo ang WBC featherweight crown, may niluluto nang laban ang boxing body para sa kanyang title defense.

Sa pinakahuling edition ng WBC’s weekly ‘Coffee Tuesdays’ online meeting na inilabas ng ­boxingscene.com, napag-alamang inihahanda nang iatas ng sanctioning boxing body na ­idepensa ni Magsayo ang 126-lbs. belt kay undefeated Mexican ­former junior featherweight ­champion Rey Vargas (35-0, 22KOs).

Wala namang nabanggit na petsa at kung saan gagawin ang laban.

Ang 26-anyos na si Magsayo (24-0, 16KOs) ay kapapanalo lang nitong Sabado ng gabi (Linggo sa Manila) laban kay ­dating champion Gary Russell Jr. via majority decision sa Borgata Casino Hotel and Spa sa Atlantic City, New Jersey.

Kay Vargas sana ang oportunidad na makasagupa si Russell, ngunit mas pinili nito ang ‘stay busy fight’ kasunod ng mahaba ring absence. Ang nasabing desisyon ang nagbigay-daan para sa Magsayo-Russell bout at winner nga ang lalabanan ng ­un­beaten Mexican.

“Having such a long (layoff due to) injury, then COVID, thank God I’m back,” komento ni Vargas nang maging guest sa WBC’s weekly session. “I can’t ask for anything more. Going straight for the title (versus Magsayo) makes me feel very, very happy.”

Tinanghal si Vargas bilang mandatory challenger matapos umakyat ng ­timbang kasunod ng kanyang mahabang title reign sa WBC junior ­featherweight.

Noong Marso 2020 sana ang kanyang featherweight debut, ngunit hindi natuloy bunga ng ­unang sigwa ng pandemic. ­Muling itinakda ang pagbabalik niya sa ring, pero nagtamo naman ng broken leg injury, dahilan para mawala sa eksena sa buong 2020 at 2021.

Nakabalik si Vargas, suma­ilalim sa training ni legendary Ignacio ‘Nacho’ Beristain, noong Nobyembre 2021 at umiskor ng unanimous decision laban kay Leonardo Baez, bilang undercard sa Saul ‘Canelo’ Alvarez-Caleb Plant fight.

“Mark Magsayo is a bigger fighter (than Russell), but he’s smarter more so than just (relying on) power,” dagdag ni Vargas. “Magsayo is very smart in the ring.”

Related posts

Leave a Comment