LINGID sa kaalaman ng mga nanood na fans noong Miyerkoles sa Smart Araneta Coliseum, hindi natapos sa loob ng basketball court ang Game 1 ng PBA Governors’ Cup finals sa pagitan ng Ginebra at Meralco.
Nabatid na nauwi sa OT (overtime) sa hallway ng Big Dome ang away nina Arvin Tolentino ng Gin Kings at Reymar Jose ng Bolts, na muntikan nang magsuntukan.
Kaya inaasahang mas magiging maaksyon ang Game 2 ng Governors’ Cup finals na nakatakda ngayong alas-6 ng gabi sa Mall of Asia Arena, Pasay City.
Nagsimula ang iringan nina Tolentino at Jose sa nalalabing siyam na segundo ng Game 1, 104-91 pabor sa Bolts.
Hanggang sa matapos ang laro ay sige pa rin ang palitan ng mga salita ng dalawang players na muntikan nang magpang-abot, mabuti na lang at naawat ng ilang players at coaching staff ng magkabilang panig.
“Kilitian lang. Walang seryoso. It’s the finals, hindi na pwedeng magbigay,” sabi ni Tolentino nang matanong ng media tungkol sa nangyaring gulo.
Tumanggi naman si Jose na magkomento.
Ngunit ayon sa ilang saksi, hanggang sa parking area ng South Gate ng Big Dome ay sige pa rin sa pagtatalo ang dalawang player.
Target ng Ginebra na makatabla, habang sisikapin ng Meralco na maituloy ang momentum at makuha ang two-game advantage sa best-of-seven finals.
81