2022 NBA Finals WARRIORS NAMUMURO

Ni VT ROMANO

BANTAY-SARADO si Stephen Curry sa Game 5. No problem. Nandyan naman si Andrew Wiggins.

Nag-init si Wiggins upang akayin ang ­Golden State sa 104-94 win kontra Boston Celtics sa Chase Center, Lunes ng gabi (Martes sa Manila) sa San Francisco.

Dahil dito, hawak ng Warriors ngayon ang 3-2 lead sa best-of-seven NBA Finals series at dumikit sa isang panalo na lang upang ibulsa ang ikaapat na kampeonato sa walong taon.

Iniskor ng Golden State ang unang 10 points sa fourth period, kahit nasa bench si Curry.

At sa kabila ng poor shooting performance ni Curry, 7-of-22 sa field at mintis ang siyam niyang three-pointers, first time sa kanyang playoff career
na zero siya sa triple.

Gayunpaman, tumapos ang Warriors star na may 16 points, eight assists at three rebounds.

Mainit na sinimulan ng Warriors ang fourth quarter, matapos silang ma-out-play ng Boston sa third period. At si Jordan Poole ang nanguna sa atake ng Golden State, bumato ng three-pointer sa pagsasara ng third ­tungo sa 75-74 lead ng Warriors at buhat dito, hindi na ­nilingon ang kalaban. Off the bench umiskor si Poole ng 14 puntos.

“We’re here, and we’re hungry. We want this. The team that wants it most will get it, and we want it,” wika ni Wiggins, top scorer sa Golden State, 26 points, 13 rebounds at two assists. Ito’y sa kabila ng sablay niyang anim na 3-point attempts.

Nagdagdag si Klay Thompson ng 21 points, kasama ang five triples.

Babalik sa TD Garden sa Boston ang serye para sa Game 6 sa Huwebes (Biyernes sa Manila).

Na-fouled out si Draymond Green sa ikatlong beses sa series, tumapos na may eight points, eight rebounds at seven assists.

Sablay ang Celtics sa kanilang unang 12 three-pointers, kasunod nito kumamada ng walong sunod, na isang NBA Finals record at nakuha ang unang lead sa laro, 58-55, 6:27 sa third period, matapos kunin ng Warriors ang 51-39 lead sa halftime.

Muling naging problema ng Boston ang turnovers, nang kumulekta ng 18 sa laro.

Si Celtics star Jayson Tatum, may 27 points, 10 rebounds at four assists, ay muling nahirapan sa fourth quarter, kung saan 2-of-6 siya sa free throw line.

Nanamlay ang Celtics sa kalagitnaan ng fourth, kasabay ng mga reklamo ni Marcus Smart sa non-call at pagkuha ng foul sa laro. Nag-ambag siya ng 20 points, three rebounds at two assists. Habang si Jaylen Brown, 18 points, nine rebounds at four assists.

DRUG
TRAFFICKING
vs MONTREZL
HARRELL

NAHAHARAP si Charlotte Hornets forward ­Montrezl Harrell sa felony drug charge sa Kentucky matapos umanong makitaan ng pulis ng three pounds ng marijuana sa kanyang kotse, ayon sa Charlotte Observer.

Pinahinto si Harrell ng Kentucky state trooper bandang alas-10:00 ng umaga noong Mayo 12, nang ­masyado umanong malapit ang takbo nito sa sinusundang sasakyan, ayon sa ulat.

Ayon sa opisyal, naamoy niya ang marijuana buhat sa kotse ni Harrell at “admitted to being in possession of marijuana and produced a small amount from his sweatpants.”

Dito na hinalughog ng mga opisyal ang kotseng nirentahan lamang ni Harrell at sinabing nakakuha sila ng three pounds ng marijuana sa isang ‘vacuum sealed bags’ sa backpack ng ­upuan.

Kinasuhan si Harrell ng ‘trafficking’ (less than five pounds of marijuana), na isang Class D felony sa nasabing state at ­punishable nang hanggang limang taong pagkakakulong at multang hanggang $10,000. Ang kanyang arraignment ay nitong Lunes sa Madison County.

Si Harrell ay magiging free agent ngayong summer.

Nag-average siya ng 13.1 points at 6.1 rebounds sa nakaraang season sa Washington Wizards at maging sa Hornets, kung saan siya itinrade kapalit nina Vernon Carey Jr. at Ish Smith noong Pebrero.

Ikaapat na team niya ang Hornets sa kanyang tatlong season sa liga.

84

Related posts

Leave a Comment