2024 Paris Olympics pinaghahandaan na ni EJ Obiena

SALA SA INIT, SALA SA LAMIG Ni EDDIE ALINEA

INSPIRADO mula sa gold medal win sa nakaraang Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam, puspusan nang pinaghahandaan ni Filipino pole vaulter Ernest John “EJ” Obiena ang 2024 Paris Olympics.

Bigong naisakatuparan ang pangarap na bigyan ng kauna-unahang gintong medalya ang bansa mula sa Tokyo noong nakaraang taon, puntirya ngayon ng 26-anyos na maging unang Pinoy na makakuha ng Olympics gold mula sa athletics sa XXXIV Games, dalawang taon mula ngayon. Ang 2024 Paris ay eksaktong ika-100 taong paglahok ng Pilipinas sa kada apat na taong palaro.

Masaya naman si EJ na nakamit pa rin ng bansa ang ­minimithing Olympics gold sa pamamagitan ni Pinay weightlifter Hidilyn Diaz, na wagi rin ng ginto sa 31st SEA Games.

Mula noong unang sumali ang kaisa-isang atleta ng bansa at sprinter na si David Nepomuceno sa Olimpiyada, wala pang Pinoy na nanalo ng gold medal sa athletics sa quadrennial world meet.

Kaya ganoon na lang ang pagnanais ni EJ na mahandugan ng ginto ang Pilipinas.

At dalawang linggo matapos madepensahan ang pole vault title sa Vietnam, muling lumipad sa Formia, Italy si Obiena, kung saan siya kasalukuyang nakabase, at nagpakitang gilas sa European City of Sports leg in L’Aquila nang sumungkit ng gold makaraang lumundag ng 5.85 metro.

Siyempre pa, proud ang mga magulang na dating national athletes din na sina Emerson at ­Jeanette sa panibagong achievement ng kanilang anak. “Tuwang-tuwa si EJ nang makausap namin ng Dad niya matapos ang kanyang panalo,” wika ni ­Jeanette nang makausap namin sa ­telepono noong Martes. “He’s very happy owing to the hardships he went through before earning his slot in the national team, after he was removed from the lineup following the misunderstanding with PATAFA.”

Hindi nga naitago ni ­Jeanette ang kasiyahan na naayos na ang problema ng anak sa PATAFA. “Now, settled na siya. Hindi na nga umuwi dito sa atin at dumeretso na sa Formia to join coach (Vitaly) Petrov and his teammates. Ganun pa rin siya, ayaw sayangin ang pagkakataong mag-train. Yun ang buhay niya as an athlete.”

Sa pamamagitan naman ng socmed o social media idinaan ni EJ ang kaligayahan dahil wala nang balakid sa kanyang pangarap: “It’s not everyday we get to jump in such beautiful places like the L’Aquila Italy.

Such a beautiful venue jumping in front of Basilica di Santa Maria di Collemaggio.”

Ang performance ng Pinoy Olympian sa L’Aquila noong Mayo 14 ay hindi gaanong impresibo kumpara sa 5.93 metrong Asian Pole vault record at personal best niya sa Golden Roof Challenge sa Innsbruck, Austria noong nakaraang taon. Subalit sapat na ito bilang panimula sa mahaba-haba na namang preparasyon tungo sa 2024 Paris Olympics.

93

Related posts

Leave a Comment