Ni ANN ENCARNACION
SINUNGKIT ni Mary Francine Padios ang unang ginto para sa Pilipinas nang magwagi sa pencak silat women’s seni (artistic) tunggal single event sa 31st Southeast Asian Games sa Bac Tu Liem Gymnasium sa Hanoi, Vietnam.
Nanaig ang 20-anyos at Manila SEA Games silver medallist laban sa kanyang idolo at tumalo sa kanya noong 2019 na si Puspa Arum Sari ng Indonesia. Umiskor ang Pinay ng 9,960 kontra 9.945 ng Indonesian.
Unang dinaig ni Padios si Thi Binh Vuong ng Vietnam sa semifinals ng sports na nag-originate sa Indonesia.
Inalay ni Padios ang kanyang medalya sa amang si Jerome na nakaratay pa rin sa ospital simula nang masangkot sa car accident noong Disyembre 21, 2021.
Abril 4, nakaraang taon ay humingi ng tulong ang atleta para matustusan ang gastusin sa medical expenses ng kanyang ama na umabot sa mahigit dalawang milyong piso.
Sa ilalim ng Republic Act 1099, ang mga atletang magwawagi ng gintong medalya sa SEA Games ay makatatanggap ng P300,000 habang P150,000 sa pilak at P60,000 sa tansong medalya.
TATLONG miyembro ng Kickboxing Pilipinas ang sisipa ng ginto sa kanya-kanyang finals event ngayon sa biennial meet sa Vietnam.
Hangad ni 2019 gold medallist Jean Claude Saclag na madepensahan ang titulo sa final round ng low kick men 63.5kg, matapos ilampaso si homebet Giang Vu Truong, 3-0, sa semis.
Si Claudine Veloso naman ay magtatangka sa final low kick female 52kg, makaraang payukuin ang isa pang homebet na si Linh Bui Hai, 3-0.
Muli naman magtatangka sa gold medal si Renalyn Daquel sa final full contact
female 48kg, matapos biguin ang nakatapat sa semis na si Kanwara Boonpeng ng Thailand, 3-0.
Kinapos si Daquel noong 2019 edition at nagkasya lang sa silver medal.
Target ng national team na malampasan ang 3 ginto, 2 pilak at 1 tanso sa 30th SEA Games.
KINAPOS ang national men’s beach handball kontra host Vietnam sa Tuan Chau, Quang Ninh sa Hanoi.
Nasuspinde man sa laro ang dalawang miyembro ng koponan, binigyan pa rin ng magandang laban ng mga Pinoy ang host team, 18-14,14-21 bago kinapos sa shootout, 8-10.
Ang Pilipinas, may 3 panalo at 2 talo, ay sunod na makakaharap ang Singapore, habang ang walang talong Vietnam ay makakatapat ang Thailand sa final men’s beach handball.
Noong 2019 edition ay bronze lang ang national team, na hindi pa nakakatisod ng ginto sa biennial meet.
86