4-MEMBER PH TEAM SASABAK SA JAPAN

APAT na atleta ang magrerepresenta sa Pilipinas sa 7th Japan International Open Lawn Bowls tournament mula Oktubre 28 hanggang 30 sa Kobe Shiawasenomura (Wellness Village).

Kabilang sa PH team sina Ronalyn Greenlees, Hazel Jagonoy, Ronald Lising at Leo Carreon, pawang medalists sa 2019 Manila Southeast Asian Games.

Maliban sa Pilipinas at host country, magpapartisipa rin ang Hong Kong at Singapore sa torneong inorganisa ng Bowls ­Japan.

“Ito ang aming unang overseas tournament pagkatapos ng 2019 SEA Games at lahat kami ay sabik na sumali,” sabi ni Greenlees.

Nagbulsa ang mga Pinoy ng isang ginto, tatlong pilak at dalawang tansong medalya, at pumangalawa sa Malaysia sa lawn bowls competition noong 30th SEAG na ginanap sa Clark Global City, Pampanga.

Gold sina Rodel Labayo at Angelo Morales sa men’s pairs event; habang silver sina Elmer Abatayo, Hommer Mercado at Christopher Dagpin (men’s triples); Nancy Toyco at Ainie Knight (women’s triples); at Marisa ­Baronda, Sharon Hauters, Rosita Bradborn at Jagonoy (women’s fours).

Sina Greenlees at Nenita Tabiano ay nagkasya sa bronze (women’s pairs) at maging sina Curte Robert Guarin, Emmanuel Portacio, Lising at Carreon (men’s fours).

“Hindi kami tumigil sa pagsasanay kahit na sa panahon ng pandemya,” giit ni Greenlees, quarterfinalist sa 2008 World Outdoor Bowls Championship.

Dagdag niya: “We are ­doing okay where we are. Both petanque and lawn bowls are in the same venue and the Clark Development Corporation (CDC) is letting us use the facilities ­constructed by Phisgoc for a very minimal contribution, which we are very grateful for.”

Si Greenlees, naka-gold sa 2015 Asia-Pacific Bowls Championships sa Christchurch, New Zealand at silver noong 2009 edition sa Kuala Lumpur, Malaysia ay dating presidente ng Philippine Lawn Bowls Association. (ANN ENCARNACION)

28

Related posts

Leave a Comment