47th PBA Philippine Cup ABUEVA SUSPENDIDO ULIT!

Ni ANN ENCARNACION

NAULIT ang kasaysayan kay Calvin Abueva, na suspendido na naman bagama’t para sa isang game lang.

Sinuspinde ng PBA si Abueva dahil sa ‘unsportsmanlike conduct’ sa unang ‘Manila Clasico’ ngayong 2022 Philippine Cup sa pagitan ng Magnolia at Ginebra noong Linggo.

Maliban sa one-game suspension, pinagmulta rin ng liga si “The Beast” ng P10,000 matapos ma-eject sa 89-84 win ng Hotshots kontra Gin Kings.

Nagsimula ang lahat nang higit 9-minuto sa fourth quarter ay nagkadikitan at nagkasagutan sina Abueva at Ginebra guard Nards Pinto. At dahil may isa nang technical foul, tuluyang na-eject sa laro ang una.

Bago ito, na-ban sa PBA ang hot-headed Hotshots player, noong parte pa siya ng Phoenix, dahil naman sa pakikipag-away sa isang PBA import.

At bagama’t binigyan siya ng pagkakataon ng liga na makabalik muli, binalaan siyang sususpendihin ulit kung muling masasangkot sa gulo.

SANGALANG, PLAYER OF THE WEEK

TINANGHAL si Magnolia Hotshots’ Ian Sangalang na Cignal Play-PBA Press Corps Player of the Week para sa Hunyo 15 -19.

Literal na dinaig ng 6-foot-7 na si Sangalang ang iba pang bigs gaya nina Arwind Santos ng Northport, Christian Standhardinger ng Ginebra, Japeth Aguilar at June Mar Fajardo ng San Miguel Beermen.

Naging Mythical Second Team selection noong nakaraang season, si Sangalang ay nag-­average ng 16.0 points, 8.7 rebounds, 1.3 blocks at 1.0 assist sa huling tatlong laro ng Magnolia, na kasalukuyang may 2-3 panalo-talo.

Sa 80-77 win ng Magnolia kontra NorthPort, siya ay kumana ng almost double-double 8 points at 10 rebounds, habang may 16 points, 7 rebounds at 2 blocks siya sa 87-81 loss sa Beermen.

At sa 89-84 victory kontra Ginebra noong Linggo, literal na pinasan niya ang Hotshots nang magposte ng 24 points mula sa 11-of-17 ­shooting, na sinamahan pa ng 9 boards at 2 blocks sa loob ng 40 minuto.

Ang mas impresibo pa, ginawa ito ni Sangalang sa kabila nang ejection sa fourth quarter ni Calvin Abueva, at wala sina star player Paul Lee at veteran big man Rafi Reavis dahil sa injury.

Maliban kay Sanga-lang, ang iba pang napasama sa weekly citation ay sina Phoenix Super LPG’s Matthew Wright, Jason Perkins at RJ Jazul; Blackwater’s Jvee Casio at Ato Ular; NLEX’s Calvin Oftana, Kevin Alas at JR Quiñahan; at si Magnolia’s Mark Barroca.

Related posts

Leave a Comment