ASIA-OCEANIA OLYMPIC QUALIFIERS, WALA PANG VENUE

BOXING-1

IKINASA ng IOC Boxing Task Force ang panibagong petsa para sa Asia-Oceania Olympic qualifiers sa Marso 3-11.

Pero hindi pa rin nadesisyunan kung saan ito gaganapin.

Kinansela na ang naturang event sa Wuhan, China, na dapat sana’y gagawin sa Pebrero 3-14,  sanhi ng coronavirus outbreak.

Dahil sa kanselasyon ng event sa Wuhan, ang Africa qualifiers na nakatakda sa Pebrero20-29 sa Dakar, Senegal na ang magiging una sa kalendaryo para sa 2020 Tokyo Olympic qualifying event.

Ang Pilipinas ay nagpaabot na ng interes para tumayong host sa Asia-Oceania, kung saan tatlong lugar ang binanggit na posibleng pagdausan ng torneo – Cebu, Palawan at Manila (PICC) na siyang pinagdausan ng nakaraang 30th Southeast Asian Games boxing event.

Nagpahayag din ang pamunuan ng Philippine Olympic Committee (POC) ng suporta sakaling sa Pilipinas ibigay ang hosting job.

Hanggang kahapon ay naghihintay ng sagot ang Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) mula sa IOC Boxing Task Force hinggil sa venue ng qualifiers.

Ayon kay Ed Picson, ABAP sec-gen, nakatanggap na rin sila ng opisyal na pahayag mula sa IOC BTF kung saan nakasaad na naghahanap na ng lugar sa labas ng China na pagdarausan ng event. (VT ROMANO)

175

Related posts

Leave a Comment