BASILAN WALA PANG TALO

KUMAWALA ang Basilan Peace Riders sa dikitang laban sa second half ­tungo sa 82-76 panalo kontra host team Pagadian ­Explorers sa Chooks-to-Go Pilipinas VisMin Super Cup ­Mindanao Challenge, Huwebes ng gabi sa Pagadian City Gymnasium, Zamboanga Del Sur.

Dahil dito ay nanatiling malinis ang marka ng nangungunang Peace Riders, 3-0, sa tanging pro league sa South.

Matapos magtabla sa first half, umariba ang Basilan sa 20-5 run, tampok ang driving lay-up ni Ar Raouf Julkipli para hilahin ang Peace Riders sa 15 puntos na kalamangan, 61-46 sa nalalabing 4:20 minuto sa laro.

Bahagyang nakalapit ang Pagadian, 62-69, ­subalit kinapos na ng oras at bumagsak sa 2-2 kartada.

Nanguna si Dennis Daa sa Basilan sa naiskor na 18 puntos at anim na rebounds, habang kumana sina Nikko Panganiban at Junjie Hallare ng tig-15 puntos.

Kumubra naman si Judel Fuentes ng 23 puntos para sa Pagadian, na makikipagtuos sa MisOr sa Biyernes ng gabi.

Sa unang laro, naitala ng Kapatagan ang unang panalo sa tatlong laro nang gapiin ang Iligan, 82-78.

Nagpalitan ng buslo ang dalawang koponan at huling nagtabla sa iskor na 78.

2

Related posts

Leave a Comment