(NI JOSEPH BONIFACIO/PHOTO BY MJ ROMERO)
KAPWA nanalo ang San Miguel Beer at Alaska laban sa Purefoods at Barangay Ginebra sa pagsisimula ng PBA Legends Face off, Linggo sa Pasig Sports Center.
Inilampaso ng Beermen ang Hotdogs, 88-68, habang tinakasan naman ng Milkmen ang Kings, 90-83 para sa magandang simula ng kanilang kampanya sa kompetisyong tatagal ng isang buwan hanggang sa kampeonato sa Hulyo 8 sa Smart Araneta Coliseum.
Nagbida sa panig ng SMB si Chris Calaguio na may 16 puntos habang may 14 puntos naman si Kiko Adriano.
Nagbaba rin ng double-double na 14 puntos at 13 rebounds si Danny Ildefonso habang may 13 puntos ang alamat na si Allan Caidic.
Pinangunahan naman ni Dwight Lago na may 14 puntos at Roger Yap na may 11 puntos at 6 na rebounds ang Hotdogs,
Nagpasiklab naman sa 29 puntos ang 2-time MVP na si Willie Miller para sa Milkmen na dinaig ang 90s rival nila ng Gin Kings.
Hindi rin nagpahuli ang 1996 MVP na si Johnny Abarrientos gayundin si Eddie Larure at bong Hawkins na may 12 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod, para sa Alaska.
Samantala, nauwi naman sa wala ang 23 puntos a 11 rebounds ni Marlou Aquino at ang 23 markers ni Vince Hizon para sa Ginebra.
Ang PBA Legends Face-off ay charity event na inorganisa ng PBA Legends Foundation katuwang ang UNTV upang makalikom ng pondo sa mga retirado at maysakit na PBA players.
252