MUNTIK nang Magpasko sa kulungan si Adrien ‘The Problem’ Broner, matapos na arestuhin sa Florida noong Linggo.
Iniulat ng celebrity news website TMZ, inaresto si Broner sa bisa ng warrant of arrest na inisyu sanhi ng kabiguang magpakita sa korte.
Matapos mai-book ay pinalabas rin naman ang boksingerong naghahanda para sa kanyang 12-round match kay Filipino eight-division world champion Manny Pacquiao sa Enero 19.
Nag-ugat ang pag-aresto kay Broner dahil sa isang kaso noong Disyembre 2017 kung saan naaktuhan siyang nagda-drive nang walang lisensya, speeding, no registration o proof of insurance.
Matapos ang nasabing insidente, hindi na umano nagpakita si Broner sa kanyang mga court schedule, dahilan para arestuhin din siya noong Hulyo.
Una nito, iniulat din ng TMZ at Boxingscene.com, na idinemanda si Broner ng Pristine Jewelers NY, matapos mabigong bayaran ang balance ng kinuhang alahas na nagkakahalaga ng $1.152 million.
Base sa ulat, nangako umano si Broner sa alahero, na babayaran ang mga alahas matapos ang kanyang laban kay Jessie Vargas noong Abril.
Subalit, halagang $100k lamang umano ang ibinigay ng boksingero.
Dahil mahigit isang taon na sapul nang kunin ni Broner ang mga alahas, nais ng Pristine na magbayad siya ngayon at magbayad rin para sa punitive damages.
Inaasahang mas malaking premyo ang tatanggapin ni Broner sa kanyang WBA welterweight fight kay Pacquiao sa Enero 19 sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas.
At posibleng mabayaran na rin niya ang mga alahas. (VTRomano)
474