Ni VT ROMANO
DINAGIT ng Atlanta Hawks sa pangunguna nina De’Andre Hunter (24 points) at Trae Young (21 points at nine assists) ang Milwaukee Bucks, 121-106, Lunes ng gabi (Martes sa Manila).
Nagdagdag si Clint Capela ng double-double output, 19 points at 10 rebounds sa ikalimang panalo sa pitong laro ng Atlanta. Umiskor din si Dejounte Murray ng 19 at si John Collins 16 points at nine boards.
Ang nagbalik na si Giannis Antetokounmpo, absent sa huling dalawang laro at pangatlo sa huling apat sanhi ng knee soreness, ay nagsumite ng 27 points sa 31 minuto. Talo ang Bucks sa tatlo sa apat na laro matapos ang 9-0 start.
Angat ang Atlanta, 94-80, papasok sa final period nang umiskor ang Milwaukee ng walong sunod tungo sa 108-99 count, 3:12 pa. Na-foul out si Antetokounmpo sa huling 1:35 at naipasok ni Murray ang dalawang free throws para sa 116-101 Atlanta lead.
Ikatlo itong paghaharap ng dalawang team sa 16 days, kung saan nalasap ng Bucks ang unang talo sa season sa teritoryo ng Hawks noong nakaraang linggo.
Si MarJon Beauchamp ay may ambag na 20 points sa Bucks, natamo ang unang talo at home kasunod ng pitong panalo.
Umiskor ang Atlanta ng 34 points sa paint sa first half tungo sa 63-50 lead sa halftime. May 56.3% shot din ang Hawks sa first half, kumpara sa 39.5% ng Bucks, na 3-of-14 lang beyond the arc.
OKC KINAPOS SA CELTICS
HINABOL ng host Boston Celtics ang 15-point deficit sa third period at na-outscore ang Oklahoma City Thunder 37-26 sa fourth, tungo sa pahirapang 126-122 win sa likod ng impresibong performance ni Marcus Smart.
Inilista ni Smart ang 20 sa kanyang 22 points sa second half, kasama ang five rebounds at seven assists.
Abante ang Thunder ng 15 puntos sa second half nang si Smart, sa tulong nina Payton Pritchard at Derrick White, ay kumayod para makabalikwas ang Celtics laban sa mas batang OKC team.
Si Jayson Tatum ay 9-of-23 sa field, habang si Jaylen Brown ay may five turnovers, ngunit trumabaho ang bench para manatili sa laro ang Celtics at iuwi ang W.
ROCKETS PINIGIL NG CLIPPERS
KUMAYOD si Paul George ng 22 puntos sa tatlong quarter upang akayin ang Los Angeles Clippers sa 122-106 win laban sa host Houston Rockets.
May ambag din si George na eight rebounds at five assists, umupo na sa fourth quarter nang masiguro ang panalo. Hindi na rin ginamit ni coach Tyronn Lue ang iba pang starters sa final period kung saan nagpakitang-gilas ang Clippers reserves.
Umabot sa 108-87 ang iskor, dahilan kaya nag-timeout si Rockets coach Stephen Silas upang pigilin ang Clippers, ngunit nagsimula nang lumakad palabas ang fans.
Nagtala si Jalen Green ng 25 points at 20 puntos mula kay Kevin Porter, Jr., para sa Rockets, naibulsa ang ikatlong sunod na talo sa gabing nanlamig mula sa 3-point range, 9-of-30 lang.
Sa iba pang game, nilampaso ng Golden State Warriors ang host San Antonio Spurs, 132-95. Nanguna sa iskoring si Jordan Poole, 36 points, two rebounds at two assists, kasunod si Anthony Lamb 17 pts, four rebounds, four assists, at may 16 points, five rebounds at five assists si Stephen Curry.
Parehong may 6-8 win-loss slate na ang dalawang koponan.
Nagtala naman ang Toronto Raptors ng 115-111 win kontra Detroit Pistons. At nagawang maitakbo ng Miami Heat ang 113-112 panalo kontra Phoenix Suns.
