CASIMERO KUMPIYANSA vs INOUE

LUMIPAD na kahapon si WBO bantamweight champion John Riel Casimero patungong Miami, Florida upang doon simulan ang paghahanda sa unification showdown kay Japanese champion Naoya Inoue.

Ito ang maituturing na pinakamalaking laban ni Casimero, bagama’t naging kampeon na rin siya sa junior flyweight at flyweight divisions.

Sa presscon-cum-sendoff kamakalawa sa Amelie Hotel (Manila), kumpiyansang sinabi ni Casimero na hindi siya natatakot kay Inoue.

“Hindi ako natatakot sa kahit sino. Kahit sa timbang ko ngayon, ako yata ‘yung pinakamalakas sa 118 pounds,” deklara ng 29-anyos na si Casimero (29-4, 20 KOs).

Si Casimero ay gumawa ng ingay nang talunin niya ang paboritong si Zolani Tete ng South Africa para angkinin ang WBO title noong Nobyembre sa Birmingham, England.

Ang title unification showdown kay Inoue, unbeaten sa 19 na laban (16 knockouts) at kampeon ng WBA at IBF 118-lb division, sa Abril 25 ay debut fight ni Casimero sa Las Vegas.

“April 25th, everybody here in the Philippines will absolutely know who John Riel Casimero is,” komento ni Sean Gibbons, presidente ng MP Promotions na siyang nangangasiwa sa boxing career ni Casimero.

Naniniwala si Gibbons na may kakayahan si Casimero na talunin ang 26-anyos na si Inoue, kilalang ‘The Monster.’

Huling nakalaban ni Inoue sa isang 12-round slugfest ay ang isa pang Pinoy na si Nonito Donaire.
Natalo si Donaire sa naturang laban na ginanap noong Nobyembre sa Saitama, Japan.

Mananatili muna si Casimero sa Miami para sa kanyang strength at conditioning training, bago pumunta sa Las Vegas.

“Casimero will be training with Angel ‘Memo’ Heredia and we really believe in what he does. We’ve seen the results, some for us and some against us,” sabi pa ni Gibbons. (VT ROMANO)

161

Related posts

Leave a Comment