CAVS, 9th VICTIM NG NETS

KAPWA kumamada ng tig-32 puntos sina Brooklyn Nets stars Kevin Durant at Kyrie Irving, na kinolekta ang ika-siyam sunod na panalo ng team sa 125-117 victory kontra Cleveland Cavaliers (Martes, Manila time).

Bunga nito, tuluyang ­naungusan ng Nets ang Cavs sa pangatlong puwesto sa Eastern ­Conference.

Angat ng 10 ang Brooklyn nang ma-foul out si Durant, 1:54 pa sa fourth quarter.

Ngunit nanaig si Irving, naging ‘Robin’ ni LeBron James sa 2016 championship run ng Cleveland, laban sa dating koponan.

Sa pamamagitan ng floater ni Cavs’ Darius Garland naibaba sa apat ang lamang ng Nets sa ­nalalabing 44 segundo.

Ngunit naipasok ni Irving ang pares ng free throws, habang na-block ni Nick Claxton ang tira ng kalaban na tuluyang nagselyo sa tagumpay ng Brooklyn.

Ang nine-game win streak ay “Nets longest” simula nang magtala ito ng 14 straight noong 2005-06 season.

Sa first half ng game ay ­nalampasan din ni Durant si former San Antonio Spurs great Tim Duncan sa 15th NBA’s all-time scoring list.

Nagdagdag si TJ Warren 23 points off the bench para sa Brooklyn, habang sina Royce O’Neale, Claxton at Yuta ­Watanabe ay may tig-10 para sa Nets, pangalawang Eastern Conference team pa lang na nakatalo sa Cleveland sa home floor nito ngayong season.

Nagsalansan naman si Garland ng 46 points, ngunit si Cleveland star Donovan Mitchell ay may 15 lang at sablay pa ang dalawang tira sa final period.

WOLVES TINUSTA
NG HEAT

KAHIT wala sina Miami stars Jimmy Butler at Bam Adebayo, nagawa pa rin ng Heat daigin ng Minnesota Timberwolves, 113-110.

Angat ang Miami sa second half ngunit nakahabol at nakatabla pa ang Minnesota sa third quarter. Gayunpaman, nagsagawa ng 9-2 scoring run ang Heat at muling lumayo, 93-86 sa final frame.
Nanguna para sa Heat si Max Strus, 19 points at nag-ambag sina Kyle Lowry, 18, at Tyler Herro, 14 points.

Si Anthony Edwards naman ang tumirada para sa Wolves sa kanyang 29 points.

 

PISTONS TINUMBA
NG CLIPPERS

DINOMINA ng Los Angeles Clippers sa overtime ang Detroit Pistons, 142-131.
Iniskor ni Clippers guard Paul George ang pito sa kanyang game-high 32 points sa extension upang kolektahin ang panalo laban sa Pistons.

Umabot sa 14 ang abante ng Detroit, 3:34 pa sa laro, ngunit dalawang free throws lang ang naipasok hanggang matapos ang regulation period.

Sa iba pang mga resulta: wagi ang Houston Rockets sa Chicago Bulls, 133-118; New Orlean Pelicans kontra Indiana Pacers, 113-93; San Antonio Spurs vs Utah Jazz, 126-122; at Portland Trail Blazers vs Charlotte Hornets, 124-113. (VT ROMANO)

28

Related posts

Leave a Comment