CONG. ARJO ATAYDE, SUMABAK NA SA TRABAHO

SABONG ON AIR Ni KA REX CAYANONG

PINALAD na makasungkit ng puwesto sa katatapos na 2022 local and national elections si Quezon City First District ­Congressman-elect Arjo Atayde.

Dahil isa na ngang ganap na lingkod-bayan, marami ang nagtatanong kung tuluyan na nga ba niyang tatalikuran ang mundo ng show business. Pero negatibo ang sagot ni Atayde.

Katunayan daw, katatapos lang nilang mag-shoot ng ‘Cattleya Killer’ bago ang campaign period.

Hindi raw siya titigil ngunit mas prayoridad daw niya ang kanyang distrito.

Talagang nasa puso niya ang trabaho bilang isang aktor. Wala rin daw tigil ang pag-explore niya ng showbiz projects.

Sa kabilang banda, aminado si Atayde na kailangan rin niyang tugunan ang trabaho bilang public servant.

Katunayan, dinalaw ni Atayde ang dalawang public hospitals sa kanyang distrito kamakailan.

Kinabibilangan ito ng Quezon City General Hospital at Philippine Orthopedic Center.

Nais niyang makita nang personal kung anu-ano pa ang mga pangangailangan ng mga ospital.

Sa ganitong paraan nga naman, magagawan niya ng paraan ang mga problema sa kanyang pag-upo para maging mas maayos ang kanilang pag-aalaga sa mga pasyente.

Aba’y maliban dito, binisita rin ni Atayde ang Barangay Manresa at Barangay Salvacion sa nasabi pa ring lungsod.

Laking tuwa ng mga lider ng dalawang barangay na sina Kapitan Danilo Soriano ng Salvacion at Kapitan Arturo Tambis ng Manresa na sila’y binigyan ng oras ni Atayde para makausap sa mga bagay na maaaring makatulong ang bagong kongresista.

Talagang kahanga-hanga ang ginagawa ngayon ni Atayde.

Tuloy-tuloy lang ang ating “lodi”at “congressman-elect” sa kanyang pagtatrabaho at pagtulong.

Nangako siya na sa kanyang pag-upo ay sisikapin niyang ­maisaayos ang mga dapat ayusin sa kanilang distrito.

Bukod dito, nagpapasalamat din si Atayde sa barangay officials at medical workers sa pagtulong sa mga taga-lungsod.

Mabuhay po kayo at God bless!

93

Related posts

Leave a Comment