EJ Obiena makalalahok sa 31st SEA Games at XIX Asiad 2022

SUSUPORTAHAN ng Philippine Olympic Committee si pole vaulter Ernest John Obiena sa laban nito para manatiling miyembro ng pambansang koponan sa track and field sa 31st Southeast Asian Games sa Vietnam at XIX Asian Games sa China, na parehong idaraos ngayong taon.

Ang 26-anyos na Tokyo Olympian at tinaguriang “The Flying Pinoy” ay tinanggal ng kanyang kinaaanibang Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) dahil sa umano’y falsification of liquidation documents at hindi pagbabayad kay Ukranian coach Vitaly Petrov, na itinanggi na ang paratang.

Tiniyak ng POC noong Martes sa Pinoy pole vaulter na siya pa rin ang magbibitbit sa bandila ng Pilipinas sa Hanoi at Huangzhou, lalo’t malaki ang pag-asa ni Obiena na makapag-uwi ng gintong medalya. Ang tubong Barrio Obrero, Tondo ang kaisa-isang Asyanong nakapasok sa finals ng kanyang event at nagtapos na pang-11 sa nakaraang XXXII Olympiad sa Tokyo.

Iginigiit ng POC, kahit nasa diskresyon ng national sports association ang kapalaran ng atleta nito, mayroong probisyon sa International Olympic Committee (IOC) charter na nagpapahintulot sa National Olympic Committee (NOC) ng isang bansa na mag-endorso ng atleta kung hindi siya suportado ng lokal na pederasyon.

“There’s a provision in the IOC Charter ­allowing NOCs to endorse athlete/s. In the absence of an endorsement from a national federation, the organizer/host owns a prerogative to allow embattled athlete/s,” ayon sa POC.

Ang gusot sa pagitan nina Obiena at PATAFA ay hindi na bago sa Philippine sports. Katunayan, noong 1988, bago lumisan ang pambansang ­delegasyon patungong Seoul Olympics, idinemanda ng noon ay Manila Mayor Mel Lopez si POC president Jose Sering sa Court of Appeals para humingi ng mandatory injunction at pilitin ang huli na isama ang napili niyang mga ­boksingerong lalahok sa South Korea.

Noong panahong iyon, ang Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP) na pinamumunuan ni Roilo Golez ay nagrekomenda kung sino-sino ang ipadadala sa Seoul na aprubado ni Sering at POC. Nauna rito, nagkaroon ng coup d’etat laban sa ABAP ni Golez at pinalitan siya ng grupo ni Lopez, na hindi kinilala ni Sering.

Umabot ang usapin sa korte kung saan humarap si Sering sa huwes at iginiit na wala itong hurisdiksyon sa kaso, bagay na ikinagalit ni Presiding Judge Fidel Purisimo at nagtanong ng: “Do you want to tell us, Mr. Sering, that your Philippine Olympic Committee is above the law of this land and you are beyond the jurisdiction of this court?”

Na sinagot ni Sering: “No, your Honor. If the court will order me by final judgement to include these boxers, I will do so, otherwise I will be held for contempt of court. But what happens, your Honor, when these boxers arrive in Seoul and the International Olympic Committee is informed that these athletes were included by this court and not by our free will and they will be sent home and not allowed to participate in the games? Can the court force the IOC to include them?”

Sa huli, dinismis ng korte ang kaso at kinilala ang autonomiya ng POC. Resulta: Nakapag-uwi ng tansong medalya ang boksingerong si Leopoldo Serrantes mula sa Seoul Olympics.

104

Related posts

Leave a Comment