EXHIBITION MATCH NG EX-CHAMPIONS

ROLL VTR Ni VT ROMANO

NAGSAGAWA ng exhibition match sina former world ­champions Erik “Terrible” Morales at Orlando “Siri” Salido sa Rodeo Arena sa Mesquite, Texas.

Matagal nang retirado ang dalawa, matapos ang makulay na boxing career.

Si Morales, ngayo’y 45 anyos, ang unang Mexican boxer ­na nagwagi ng korona sa four division: super bantamweight, featherweight, super featherweight at super lightweight.

Makakalimutan ba natin ang trilogy niya kay eighth division champion Manny Pacquiao, na nagresulta sa isang panalo at dalawang talo?

Two-division world champion naman si Salido, 41, featherweight at super featherweight at kanilang si Juan Manuel Marquez isa sa mga prominenteng boksingerong nakalaban niya.

Tinawag na “The Last Combat,” bahagi ng kinita sa charity exhibition match ay gagamitin pang-suporta sa amateur boxing at maipagpatuloy ang boxing week, kung saan layuning matulungan ang kababaihan laban sa domestic violence at children against ­bullying.

Dahil mga dating world champions, marami ang interesado sa kanilang bugbugan, kahit sa exhibition lang.

Hindi lang sina Morales at Salido ang pumayag sa charity exhibition match, noong nakaraang taon, sumali rin si Marco Antonio Barrera at Daniel Ponce de Leon, na ang naging layunin din makatulong sa kanilang mga kababayan sa Mexico.

Sa tuwing nakakabalita tayo ng exhibition match, naiisip natin bakit hindi gawin sa Pilipinas?

Itsapwera muna si Sen. Pacquiao, nandyan sina former world champion Gerry Peñalosa, Luisito Espinosa at maging si Dodie Boy Peñalosa.

Pero, hanggang ngayon walang nakakaisip. Sa halip, ang pagyayabangan ng mga vlogger at youtuber ang nakikita natin, na habang naghahamunan wala kang maririnig sa bibig kundi pagmumura.
At pagdating naman sa laban, nganga!

***

BUHAY na buhay ulit ang larong basketbol sa bansa. Dagsa na ang fans sa PBA games, nagbalik na rin sa aksyon ang collegiate leagues (UAAP at NCAA), maging ang iba pang basketball tournament sa iba’t ibang lugar.

Kamakalawa, umabot sa mahigit 13 thousand ang dumagsa sa Mall of Asia arena kung saan nagharap ang Brgy. Ginebra vs NLEX at Magnolia kontra Meralco sa semi finals ng Governors’ Cup.

Nasabik ang fans sa PBA, matapos ang dalawang taong pagkaantala sanhi ng pandemic. Actually, hindi pa naman ­tuluyang natatapos ang pandemya, kaya pinapag-ingat pa rin tayo sa paglabas-labas ng bahay.

Natalo ang Ginebra sa NLEX sa nasabing laro, kaya naman sa social media ibinuhos ng fans ang himutok at paninisi kay LA Tenorio.

Ganyan ang Pinoy fans, hindi lang basta nanonood para mag-aliw, involved din sila sa laro. ‘Yung iba magaling pang mag-­analyze.

Maging sa NBA games, hindi lang nanonood ang fan, aktibo rin sila sa pagpuna o pagbatikos sa mga player o team, gaya ng Los Angeles Lakers, na hindi na yata kayang manalo sa ongoing season.

Gaya ng pagkatalo kahapon sa New Orleans Pelicans.

Sabi nga ng fans, dapat daw hanggang 1st at 2nd quarter lang nilalaro ng Lakers, kasi pagdating sa 3rd at 4th tumutukod na, nanlalamig kaya madalas banderang kapos.

290

Related posts

Leave a Comment