‘FAIR PLAY ATHLETE’ AWARD KAY CASUGAY

(NI VT ROMANO)

BAGO tuluyang isinara ang tabing ng 30th Southeast Asian Games, iginawad kay national surfer Roger Casugay ang ‘Fair Play Athlete’ award.

Sa closing ceremonies sa New Clark City Athletic Stadium sa Capas, Tarlac, si Casugay ay pinagkalooban ng pagkilala bunga ng kanyang ‘heroic sportsmanlike act’ habang ginaganap ang surfing event ng biennial meet sa La Union.

Kasalukuyan pang bumabawi ang La Union mula sa epekto ng bagyong Tisoy noong nakaraang linggo habang isinasagawa ang longboard event, binalewala ni Casugay ang pangunguna sa karera nang magpasyang balikan ang kalabang si Arip Nurhidayat ng Indonesia, matapos na ang surfboard nito ay masira at lumubog. Sinagip ng Filipino surfer sa posibleng pagkalunod ang kalaban at isinakay sa kanyang board pabalik sa pampang.

Maging si Indonesian President Joko Widodo ay nagbigay-papuri sa kabayanihang ginawa ni Casugay.

“Winning the competition and upholding sportsmanship is important, but humanity is above all. My appreciation for Roger Casugay, a Filipino surfer who gave up the golden opportunity to help an Indonesian athlete who fell in the race,” sabi ni President Widodo sa kanyang twitter account.

Pansamantalang itinigil ang nasabing event, na napanalunan din ni Casugay kinabukasan para sa gintong medalya.
Tinanghal namang ‘best athletes’ ng SEA Games sina swimmers Wen Quah Zheng ng Singapore at Thi Ahn Vien Nguyen ng Vietnam, na kapwa nanalo ng tig-anim na gold at dalawang silvers.

252

Related posts

Leave a Comment