(NI JJ TORRES)
MGA LARO BUKAS:
(CUNETA ASTRODOME)
4:30 P.M. — BLACKWATER VS RAIN OR SHINE
7:00 P.M. — SAN MIGUEL VS NORTHPORT
HAHARAPIN sa unang pagkakataon nina Mo Tautuaa at Christian Standhardinger ang mga dati nilang koponan ngayong gabi sa pagpapatuloy ng PBA Governors’ Cup sa Cuneta Astrodome.
Magsasagupa ang San Miguel Beermen at NorthPort Batang Pier sa alas-7:00 ng gabi at target ng Beermen na makaungos sa NLEX Road Warriors sa solo second place sa team standings.
Ang Batang Pier ay ibabandera ng bago nitong import na si Michael Qualls, na dating lumaro sa Israel, Italy at tatlong koponan sa NBA G-League. Makakatuwang niya si Standhardinger na inaasahang magpapakitang-gilas matapos siyang ipamigay ng SMB sa NorthPort.
Masusubukan si Standhardinger laban kay June Mar Fajardo, ang premyadong player ng SMB.
Napaulat nang sinabi ni Fajardo na mahihirapan siya kapag nagtapatan sila ng Fil-German player dahil sa angking husay nito, lalo na sa depensa.
Habang nasa kampo ng San Miguel ay hindi masyadong nagagamit si Standhardinger dahil halos pareho sila ng pwesto ni Fajardo.
May record na 5-1 ang SMB matapos talunin ang Columbian Dyip sa iskor na 113-107 noong Linggo sa Smart Araneta Coliseum.
Sa nasabing laro ay nagsumite si Tautuaa ng 10 puntos sa kanyang unang laro sa Beermen, matapos siyang i-trade ng Batang Pier kapalit ni Standhardinger.
May bagong import din na ipaparada ang Rain or Shine Elasto Painters sa kanilang alas-4:30 ng hapon na laro kontra Blackwater Elite.
Babalik sa PBA ang dating NLEX reinforcement na si Kwame Alexander upang tulungan ang Rain or Shine na pagandahin ang 1-5 record nito.
Si Alexander ay naglaro sa Road Warriors noong 2015 Governors’ Cup.
Balak naman ng Blackwater na ma-improve ang kartada nilang 2-4 sa pamumuno ng import na si Marqus Blakely at rookie Ray Parks Jr.
154