HINDI nagpatumpik-tumpik ang Far Eastern University nang dominahin ang University of Santo Tomas, 6-0 sa pagsisimula ng kanilang kampanya para sa ikasampung sunod na UAAP High School Boys Football championship kamakalawa sa Rizal Memorial Stadium.
Sinimulan ni Edmar Adonis, humalili sa pwesto ni Tarshish Garciano na nagtamo ng injury sa warm-ups, ang atake ng Baby Tamaraws.
“Actually, it is not about the nine-peat or ten-peat. They just have to be humble and I want them to improve their quality of football,” wika ni head coach Park Bobae.
Umiskor si Adonis sa 11th minute at isa pa matapos ang apat na minuto, bago isinara ni Josh Laurens ang first period sa kanyang 43rd-minute strike.
Sina Stephen Soria, Karl Absalon at Andrei Sabejon ay nag-ambag ng tig-iisang goal sa second half para kumpletuhin ang pagbokya ng FEU sa UST.
Nagtala naman ang Ateneo High School ng ikalawa nitong panalo laban sa last year’s runner-up National University-Nazareth School, 1-0.
Ang natatanging winning goal ay buhat kay Enzo Lucindo sa 35th minute.
May tsansa sana ang Bullpups na makaiskor sa second period, pero gaya sa kanilang unang laro laban sa UST, si Blue Eaglets goalkeeper Artuz Cezar ang sumalba para sa koponan.
Tatangkain ng Ateneo na maitala ang ikatlong sunod na panalo laban sa De La Salle-Zobel sa Linggo, ala-1:30 ng hapon sa FEU Diliman Football field. Habang ang rematch ng last season’s final sa pagitan ng FEU at NU ay lalaruin sa alas-4:00 ng hapon.
152