(NI JOSEPH BONIFACIO)
MARAMI ang nag-aabang kina Fil-Am sensations Franky Johnson at Troy Rike nang magpahayag na sasali sa 2019 PBA Rookie Draft.
Pero nag-u turn ang dalawa.
Hindi na muna sila sasali sa draft upang pagtuunan ang Chooks-to-Go Pilipinas 3×3 team na sasabak sa 2020 FIBA 3×3 Olympic Qualifying Tournament at makakalaban nila ang iba pang koponang nakapasok sa top 20.
Sina Rike at Johnson ang ikinukunsidera sa final line-up ng Pilipinas na ipapadala sa Marso 2020 sa India, kung saan tatlo mula sa 20 qualified teams ang mabibigyan ng tiket para sumabak sa Tokyo Olympics.
Nakatakda silang maglaro sa ikalawang season ng Chooks-to-Go Pilipinas 3×3 League sa Enero bilang paghahanda para sa Olympic qualifiers.
Dalawa sa sigurado nang manlalaro sa 3×3 roster sina Joshua Munzon at Alvin Pasaol na no.1 at no.2 ranked 3×3 player sa bansa, ayon sa pagkakasunod.
Nauna nang nagpasa ng kanilang aplikasyon sa PBA Draft noong nakaraang lingo sina Rike at Johnson upang makahabol sa deadline para sa Fil-Foreigners.
Naging eligible sina Rike at Johnson sa PBA Draft matapos maabot ang games played requirement sa PBA D-League para sa koponan na AMA Online Education.
Bagamat umatras ngayon, inaasahang sigurado na ang dalawa sa 2020 PBA Rookie Draft kasama ang iba pang top 3×3 players na sina Munzon, Pasaol at Santi Santillan.
132