(NI ESTONG REYES)
ISINUSULONG ni Senador Manuel ‘Lito’ Lapid ang isang panukalang batas na magbibigay ng libreng insurance coverage sa lahat ng professional Filipino athletes na nakikipagpaligsahan sa pandaigdigang torneo.
Ito ay bilang bahagi na rin ng pagbibigay ng parangal at pagkilala sa mga sakripisyo nila para sa bayan.
Ayon kay Lapid, dapat lamang bigyan ang ating mga atleta ng insurance protection, partikular yaong mga kumakatawan sa bansa sa international competitions.
“Nais nating ibigay ang nararapat na suporta at parangal para sa ating mga atleta na dugo at pawis ang pinupuhunan para lamang maikatawan ang ating bansa sa mga international sports competitions,” ayon kay Lapid.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 1152 o kikilala rin bilang “Professional Filipino Athletes Insurance Benefits Act,” magbibigay ang estado ng insurance benefits kabilang ang medical expenses, travel insurance at death benefits sa lahat ng professional Filipino athletes na nakikipagpaligsahan sa international o world championship games.
Sakop ng insurance coverage ang lahat ng mga atletang kumakatawan sa bansa, indibidwal man o buong team, sa international tournaments.
Sinabi ng senador na sakaling maipasa ang panukala, aatasan ang Games and Amusement Board (GAB) at Philippine Sports Commission (PSC) na isama kaagad sa kanilang program ang implementasyon ng benepisyo na isasama din sa taunang General Appropriations Act.
“This bill aims to recognize the honor, glory and pride that the the Filipino athletes are bringing to the Philippines as they represent the country in the SEA Games and other prestigious tourneys,” ayon kay Lapid.
Ayon sa PSC, bilang host ng 30th SEA Games, Pilipinas ang may pinakamalaking delegasyon ngayong taon na may 1,115 athletes at 753 coaches.
420