DUMAGUNDONG ang Scotiabank Arena sa Ontario, lalo na nang tumunog ang buzzer at makikita sa scoreboard, 118-109.
Ibinulsa ng Toronto Raptors ang Game 1 ng NBA Finals matapos talunin ang defending champion Golden State Warriors, Biyernes (Manila time).
Dahil inasahan na ng Raptors na magiging bantay-sarado si Kawhi Leonard, kumilos ang kanyang tropa at nagpasabog si Pascal Siakam ng career-best 32 points, na sumagot sa bawat rally ng Warriors.
Ang 25 anyos na Cameroonian forward ay kumana ng 14-of-17 shots sa floor at dumaklot pa ng 8 rebounds, may 5 assists at 2 blocks.
Si Leonard ay nagsumite pa rin ng 23 points, 8 rebounds at 5 assists, habang si Marc Gasol na nagpasimula ng malakas na atake ng Raptors ay nag-ambag ng 20 markers at 7 boards.
Bukod sa tatlong nabanggit, tumulong rin ang backup guard na si Fred VanVleet, na may 15 points at 11 naman mula kay Danny Green.
Nagawang dumikit ng Warriors sa 3 points, 90-87, 10 minutes pa sa laro, pero humirit ng 7-0 run ang Raptors, 5 mula kay Siakam at pinalobo pa sa sampu ang kalamangan, 97-87.
Buhat doon ay hindi na pinadikit ni Leonard at mga kasama ang Warriors.
Gaya ng naunang pahayag ni Warriors’ coach Steve Kerr, hindi pa rin nakalaro si Kevin Durant.
Si Warriors’ Steph Curry, na nagtala ng record sa losing game, ay naging unang player sa NBA Finals history na nakagawa ng 100 three-point field goals. Siya rin ang highest-pointer sa panig ng Golden State sa kanyang game-high 34 points.
Habang nagdagdag si Klay Thompson ng 21 points at si Draymond Green ay may triple-double na 10 points, 10 rebounds at 10 assists para sa Warriors, na bigong maresolba ang pagka-agresibo sa depensa ng Raptors.
“We’ve got a lot of bodies,” lahad ni Siakam. “We’ve got guys just willing to move and play defense. We use it to our advantage. I think we’re doing a pretty decent job. We made some mistakes but for the most part we played solid.”
Susubukang kunin ng Raptors ang 2-0 lead sa Game 2 sa Lunes (Manila time) sa Toronto pa rin.
116