GAME 4: GIRIAN, TITINDI PA!

pba33

(NI JJ TORRES)

LARO NGAYON:

(SMART ARANETA COLISEUM)

6:30 P.M. — SAN MIGUEL VS TNT

(TNT 2-1)

 

MAGIGING sentro na naman ng atensyon ang composure ng inaasahang Best Import winner na si Terrence Jones ngayong gabi sa pagsubok ng TNT KaTropa na makuha ang 3-1 lead laban sa San Miguel Beermen sa Game 4 ng PBA Commissioner’s Cup Finals sa Smart Araneta Coliseum.

Hinihintay ng karamihan ang magiging susunod na move ni Jones sa laro na magsisimula ng alas-6:30 ng gabi, matapos makalusot mula sa ejection noong Biyernes nang i-headbutt niya ang SMB guard na si Chris Ross.

Nabigyan lamang ng Flagrant Foul 1 si Jones sa nasabing insidente, na siya namang ikinainis ni Ross na natawagan naman ng technical foul dahil sa taunting.

“He’s mentally a baby. Mentally, he’s a baby,” wika ni Ross nang tanungin sa kanya ang bagong girian nila ng TNT reinforcement.

Malaking bagay si Jones sa nagawang 24-0 run ng KaTropa na siyang bumura sa 17-point lead ng Beermen. Naging susi ang comeback upang manalo ang team na iginigiya nina coach Bong Ravena at consultant Mark Dickel, 115-105.

Target naman ng SMB na maiwasan ang 3-1 hole sa serye at mabawasan sa best-of-three affair ang karera para sa kampeonato ng midseason tournament.

Samantala, ipaparangal naman ang mga nanalo sa Best Player of the Conference at Best Import honors bago ang simula ng laro.

Si Jayson Castro ng TNT ay paboritong manalo ng kanyang ika-limang career na BPC laban kina June Mar Fajardo ng San Miguel at Blackwater rookie Ray Parks Jr.

Nagtapos lamang sa pangatlo si Castro sa Statistical Points ngunit malaking bagay kung papabor sa kanya ang mga boto ng media, players at ng PBA Commissioner’s Office.

Samantala, tila wala nang duda na mapapasakamay ni Jones ang Best Import plaque dahil na rin sa dominanteng pinakita niya sa simula pa lang ng conference.

Contenders din sa award si Justin Brownlee ng Barangay Ginebra at Chris McCullough ng SMB.

136

Related posts

Leave a Comment