NASA kritikal na sitwasyon ang Gilas Pilipinas sa ginaganap na FIBA Asia Cup sa Istora Senayan sa Jakarta, Indonesia.
Kasalukuyang nasa third place ang Gilas sa Group D at may 1-2 record matapos yumuko sa New Zealand, 75-92, noong Linggo.
Martes ay haharapin ng national team ang Japan para sa qualification game tungo sa quarterfinals.
Ang magwawagi ay sasabak naman kontra Australia para sa Last 8 round.
Nanguna sa Group D ang Lebanon (3-0), kaya’t nakakuha ito ng outright quarterfinals berth, at kakalabanin ang mananalo sa pagitan ng China-Indonesia game.
Pumangalawa ang New Zealand (2-1), na makakatapat ang Syria. Ang mananalo ang makakaharap ng Korea sa susunod na game.
‘BANDERANG KAPOS’
UNANG nakalaban ng Gilas Pilipinas ang New Zealand noong Hunyo 30 sa FIBA World Cup Asian qualifiers. Talo ang Gilas, 106-60.
Sa ikalawang paghaharap nila sa FIBA Asia Cup nitong Linggo, bigo pa rin ang mga Pinoy bagama’t nabawasan ang tambak ng kalaban, 75-92.
Nanguna sa Gilas si Kiefer Ravena, nagposte ng 17 points, sina Carl Tamayo at Karl Quiambao ay may tig-14 points at ang nagbalik na si Ray Parks Jr. ay may 10 points.
Sa ilalim ni head coach Chot Reyes, nakapagtala lamang ang national squad ng 6 of 25 from 3-point territory (24%), kumpara sa 11 of 30 (36.7%) ng Kiwis.
Outrebounded din ang Gilas, 61-28 – 41-22 sa defensive glass at 20-6 sa offensive boards.
Tanging nakalamang lang ang mga Pinoy sa turnovers department, isa lang kumpara sa 13 ng New Zealand, na pinagbidahan ng 22-year-old point guard na si Flynn Cameron na kumana ng 18 puntos.
Hindi naglaro ang top six scorers ng New Zealand sa Jakarta, na isa sa sinasabi ring dahilan kung bakit ‘di nakalayo ng husto ang Kiwis sa kabila ng poor shooting ng Gilas. (DENNIS IÑIGO)
