(NI ANN ENCARNACION)
KAHIT naipanalo pa ang Gilas Pilipinas ng gintong medalya sa 30th Southeast Asian Games, walang balak si Barangay Ginebra coach Tim Cone na mag-extend sa kanyang national duty.
Iginiit ni Cone na “one and done” ang pagiging Gilas coach niya.
“I was told at the start that I will be some sort of a caretaker for the national team that will be playing for the Southeast Asian Games,” paliwanag ni Cone.
Idinagdag niya na may inihahanda nang programa ang Samahang Basketbol ng Pilipinas para sa susunod na taon kaya’t hindi niya inaasahan na muli na magtatagal bilang coach ng pambansang koponan.
“All I know is that they will be implementing a new Gilas program under project director coach Tab Baldwin. Other than that, I have nothing more about the insides,” sabi ni Cone.
Huling sumabak ang Gilas team sa 2019 Fiba World Cup sa China kung saan wala ito kahit isang naipanalo.
Matapos ang nakadidismayang performance ng national team sa China, tuluyang nagbitiw bilang coach ng Gilas si NLEX coach Yeng Guiao, kaya’t kinukunsiderang “disbanded” na ang team.
Matapos tanggapin ang hamon na maging coach ng national team para sa 30th SEAG, bumuo ng sariling all-pro team si Cone na pinadapa ang lahat ng mga nakalaban sa katatapos lang na biennial regional meet.
Sa ngayon ay wala pang inihahayag ang SBP kaugnay sa bagong head coach ng Gilas, maliban sa limang piling players na pawang kinuha sa PBA draft nitong buwan.
Ang limang isinama sa Gilas pool ay sina Isaac Go, magkapatid na Matt at Mike Nieto, Rey Suerte at si Allyn Bulanadi.
Sila ang magsisilbing pundasyon ng bagong national team na personal na pinili ni Ateneo Blue Eagles coachTab Baldwin.
Gayunpaman, hindi pa malinaw kung tinanggap na ni Baldwin ang trabaho bilang project director ng national team, o kung siya na ang bagong coach ng Gilas Pilipinas.
328