(NI JJ TORRES)
IKINUKUNSIDERA ni Gilas Pilipinas head coach Yeng Guiao na pinakaimportanteng laban ang opening assignment nila, dahil ang resulta ay magdedetermina kung may tsansa silang makapasok sa second round ng World Cup.
Magiging importante din ang laro dahil na rin sa schedule na pagdalo ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang bahagi ng kanyang state visit sa China.
Kailangang magtapos sa top two ang Gilas para makalusot sa second round na gagawin sa Wuhan. Kung hindi ay malalaglag ang Pilipinas sa isang classification round para sa 17th hanggang 32nd places na gagawin sa Beijing.
Aalis ngayong umaga ang koponan patungong Foshan, China, dalawang araw bago buksan ang kanilang FIBA World Cup campaign.
Nakatakdang lumipad ang pambansang koponan sakay ng bandang alas-8:00 ng umaga at inaasahang darating ng Guangzhou sa loob ng dalawang oras.
Mula doon ay sasakay ng bus ang Gilas para sa isang oras na biyahe patungong Foshan kung saan gaganapin lahat ng games sa Group D.
Naka-schedule ang team na mag-ensayo matapos mag-settle down sa kanilang hotel.
Umaasa si coach Yeng Guiao na magiging 100 percent na ready ang kanyang team pag dating ng kanilang paghaharap sa mga Italiano.
“We’re hoping we can hit 100 percent by Saturday,” wika ni Guiao. “We’re trying to schedule our peak by that time. Everything we do now is geared toward achieving that peak on Saturday.”
