IUWI ang ikatlong panalo at lumapit sa titulo ang misyon ngayong gabi ng Barangay Ginebra sa sagupaan nila ng Meralco Bolts sa Game 4 ng kanilang best-of-seven series ng 2019 PBA Governor’s Cup Finals sa Smart Araneta Coliseum.
Inaasahang sasamantalahing muli ng Gin Kings ang pagkapilay ng Bolts na hanggang sa isinusulat ang balitang ito ay wala pang kasiguruhan kung makapaglalaro ang kanilang big man na si Raymond Alma-zan.
Magugunita na nagkaroon ng injury sa tuhod si Almazan ilang minuto pa lang sa first quarter ng Game 3, dahilan para ilabas sya at hindi na nakabalik sa laro.
Bunsod nito ay magaang na tinalo ng Ginebra ang Meralco, 92-84, at ngayon ay lamang na sa serye, 2-1.
Ganap na alas-7 ngayon gabi ay pipilitin ng Gins na itarak ang krusyal na 3-1 abante para mas mapalapit sa hinahangad na mabawi ang nabitawang third conference crown.
Tiyak na sasandigang muli ng crowd-favorite Ginebra si Japeth Aguilar na patuloy sa pag-akyat bilang isa sa mga pangunahing shot blockers of all time ng liga.
Itinala ng Ginebra big man ang personal finals record na pitong block shots sa kanilang panalo noong Linggo upang muling tanghalin na Best Player of the Game.
“That’s one of his greatest skills, I think. He’s got great timing, he gets off the floor so quick and of course, he’s so long you think you have the shot off and he comes out of nowhere and does that,” papuri ni Gins coach Tim Cone.
Tuwang-tuwa naman ang Barangay Ginebra fans, na bahagi ng 16,001 crowd na nakapanood sa “Japeth Aguilar” show sa Big Dome, lalo’t lamang na sa serye ang Gin Kings. (ANN ENCARNACION)
199