GINTO, ABOT-KAMAY NI PETECIO

0

Ni ANN ENCARNACION

NAMUMURONG mag-gold din sa Tokyo Olympics ang isa pang Pinay na si 2019 women’s world ­boxing champion Nesthy Petecio.

Umusad si Petecio sa semifinals ng 54-57kg ­boxing competition Miyerkoles ng umaga makaraang dominahin sa 5-0 score ang nakalaban sa quartefinals na si Yeni Marcela Arias Castaneda ng Colombia.

Dahil sa panalo ay ­sigurado na sa bronze medal ang 29-anyos na ­boksingerang tubong Davao City.

Makakatapat ng 2019 Southeast Asian Games (SEA) gold medalist na si Petecio ang 23-anyos at 5-foot-9 na si Irma Testa ng Italy sa semis sa Kokugikan Arena sa Hulyo 31.

Si Testa ay tumapos sa 5th place sa lightweight category noong 2016 Rio de Janeiro Olympics. Silver medalist naman siya sa flyweight noong 2014 Youth Olympic Games sa Nanjing, China.

Kung mananalo kontra Testa ay magkakaroon ng tsansa si Petecio na ­maging pangalawang Olympic gold medallist na Filipino, kasunod ni weightlifter Hidilyn Diaz.

Samantala, dalawa pang boksingerong Pinoy ang lalaban ngayon (Hulyo 29) sa Round of 16.

Haharapin ni Eumir Felix Marcial si Younes Nemouchi ng Algeria sa ­middleweight (69-76kg) division sa 10:48 ng umaga, habang si Irish Magno na ­galing sa 5-0 demolisyon kay Kenyan Christine ­Ong­are ay ­sasabak sa women’s ­flyweight (48-51kg) kontra Jutamas Jitpong ng ­Thailand sa 12:24 ng tanghali.

Sa Sabado naman makikipagbakbakan si Carlo Paalam kontra Mohamed Flissi ng Algeria ganap na 10:48 ng umaga. Naunang tinalo ni Paalam sa Round of 32 si Brendan Irvine ng Ireland sa iskor na 4-1.

RULE KINAPOS
SA SEMIS

BIGONG makalampas sa semifinals ng women’s 200m butterfly ng Tokyo Olympics kahapon si Filipino-American swimmer Remedy Rule.

Tumapos si Rule sa ika-15 pwesto lang makaraang magtala ng 2:12.89, kapos para maka-pasok sa top eight ng finals sa Tokyo ­Aquatics Centre.

Noong Sabado ay hindi rin nakalusot ang 24-year-old swimmer sa women’s 100m butterfly nang magsumite ng 59.68 segundo at tumapos na 25th overall.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment