Greatest of All Time na ba si Steph Curry?

SALA SA INIT, SALA SA LAMIG Ni EDDIE ALINEA

MAYROON pa bang kailangang patunayan si Golden State point guard Stephen Curry matapos muling tanghaling hari ng NBA ang Warriors?

Lahat halos ng dapat hilingin ng isang manlalaro ay nasa kanya na – walong beses na miyembro ng All-Star Team, dalawang beses na MVP ng liga (isa rito ay iginawad sa nagkakaisang hatol), dalawang beses na scoring champion, All-Star Game MVP, at ngayon ay apat na beses na NBA champion pa.

Matapos ang 2022 NBA Finals laban sa Boston Celtics noong Huwebes ng gabi (Biyernes sa Pilipinas), sa kauna-unahang pagkakataon mula sa kanyang unang Finals appearance noong 2015 si Curry ay ginawaran ng Finals MVP, muli sa pamamagitan ng unanimous decision.

Ang 34-anyos na tubong Cleveland, Ohio, siyudad kung saan ipinanganak din si LA ­Lakers star ­LeBron James, ay kinikilala rin ngayong “The Greatest ­Shooter Ever” makaraang angkinin ang pinakamaraming 3-pointers sa NBA. Ngunit si Wardell Stephen Curry para sa Sala sa Init, Sala sa Lamig ay hindi lamang greatest shooter kundi isa sa ­pinakamagaling na manlalaro ng liga at nararapat isama sa listahan ng Greatest Of All Time (GOAT).

Nakamit niya ang karapatang ito sa dahilang “he changed the game” o binago niya ang larong basketball. Nagawa niyang maging napaka-importanteng sandata ang 3-pointer sa American Basketball Association o NBA simula noong sumikat ito noong 1961. Katunayan, ang 3-pointer ay katumbas ngayon ng homerun sa baseball.

“I think he’s pretty much ­established what he can do,” wika ni Klay Thompson, ang kalahati ng tinatawag na “Splash Brothers” ng Golden State Warriors. “To see him earn that, he’s one of the greatest ever and we all followed in his lead and that was awesome! What a series!”

Sinementuhan ni Curry ang pagiging future Hall of Famer niya nang umiskor ng 34 puntos sa 103-90 paglampaso ng Warriors sa Celtics sa Game 6 ng kanilang best-of-seven finals, para hablutin ang pang-apat na korona sa walong finals appearances ng koponan mula noong 2015. Kaya hindi niya napigilang mapaluha makaraan ang “roller coaster ride” ng team mula nang matalo sila sa Toronto Raptors sa 2019 NBA Finals.

Mahigit dalawang taong nawala si Thompson dala ng injury. Maging si Curry at Draymond Green, bumubuo sa Warriors Golden Trio, ay hindi rin nakaligtas sa injury. Iniwan pa sila ni Kevin Durant, kaya sumadsad ng husto ang dating magigiting na mandirigma ng Golden State.

Matapos kapusin sa play-in tournament noong nakaraang season, unti-unting bumangon ang Warriors. Nakabalik si Thompson at isinilang ang “Warriors Death Squad” kasama ang first round draft pick na si Andrew Wiggins at sophomore Jordan Poole. At sabi nga, “the rest is history.”

“I’m happy for everybody, but I’m thrilled for Steph,” ani Warriors coach Steve Kerr. “To me, this is his crowning achievement in what’s already been an incredible career.”

Sinegundahan naman ito ni veteran Warrior Andre Iguodala. “Best point guard of all time… All that talk paid off. Manifest your destiny in a certain way, and that stubbornness — who we are matters more than what anybody is saying about us — is why we’re here,” giit niya.

Ganito rin ang opinyon ni Draymond Green: “It’s been a long time in the making. But he left no doubt. Left no doubt. He (Steph) carried us. And we’re here as champions.”

At para sa 7th overall pick noong 2009 na si Curry: “I thank God every day that I get to play this game at the highest level with some amazing people. This is what it’s all about.”

59

Related posts

Leave a Comment