LIMANG sunod na talo ang nakamtan ng Mapua University sa ongoing Season 95 ng NCAA men’s basketball tournament.
At nais nilang putulin iyon doon.
Kaya naman isang mapangahas na rookie ang nagtangkang iangat sa putikan ang Cardinals, at siya ay nagtagumpay.
Siya ay si Paolo Hernandez.
Naging instrumento si Hernandez sa back-to-back wins ng Cardinals laban sa Emilio Aguinaldo College at Jose Rizal University.
“Siyempre, sabi nga ni coach, saan pa ba kami pupunta? 0-5 na kami eh,” lahad ni Hernandez patungkol nga sa kanilang pangit na simula sa season. “Wala na kaming ibang pupuntahan kundi panalo.”
Sinunod ni Hernandez ang payo ni coach Randy Alcantara na magpakitang-gilas at nagsumite siya ng averaged 15.5 points, 4.0 rebounds, 2.5 assists at 2.0 steals sa nasabing dalawang panalo.
At ang impresibong kontribusyong iyon ay nagbunga ng pagkilala, dahil tinanghal siyang Chooks-to-Go Collegiate Press Corps NCAA Player of the Week.
Matapos magbuslo ng 11 points, three rebounds, two assists at two steals sa 77-66 panalo ng Mapua laban sa Generals, habang nagsumite naman siya ng career game 20 points, five rebounds, three assists at two steals sa 83-63 pagpapasabog sa Heavy Bombers.
Pinatunayan ng 20-anyos na rookie na karapat-dapat siyang pagkatiwalaan ni coach Alcantara.
“Paolo Hernandez, kahit na isang taon lang sa Juniors, nakita ko agad ‘yung leadership,” pahayag ni Alcantara. “Nakikita ko after [Laurenz] Victoria, magiging mukha ng Cardinals si Paolo Hernandez.”
Noong nakaraang linggo, si Victoria ang nahirang na ‘best player’ kaya’t sa nakalipas na dalawang linggo ay pawang Cardinals ang tumatanggap ng nasabing karangalan.
Si Hernandez, last year’s Finals MVP sa NCAA juniors tournament, ay nangakong ipagpapatuloy ang kontribusyon sa Cardinals.
“Masaya ako sa tiwala ni coach, pero ‘di ko muna iniisip yun. This season muna, tiyaga-tiyaga lang, step-by-step lang,” natutuwang pahayag ni Hernandez.
Tinalo ni Hernandez sa karangalan si Victoria, Donald Tankoua ng San Beda at sina Jaycee Marcelina at Mike Nzeusseu ng Lyceum of the Philippines University.
504