‘Huwag kayong mag-alala, okey ang Dad ko’–Dodot Jaworski

NOONG Sabado, ika-75 anibersaryo ng kauna-unahang selyong inilabas ng Philippine Postal Corp. noong 1946, si basketball “Living Legend” Robert Jaworski ay pinarangalan bilang una sa 10 bayani ng bansa sa binigyan ng pagpupugay sa pamamagitan ng pagtatampok sa walo niyang larawan sa Philpost stamps bilang manlalaro ng sport na pinakapaborito ng sambayanang Pilipino.

Si Postmaster General at Philippine Postal CEO Norman Fulgencio, kilalang “super fan” ni “Sonny” o “Jawo” o “Big J” sa kanyang mga kaibigan at fans, ang nanguna sa seremonyang idinaos sa harap ng Post Office sa Liwasang Bonifacio, Maynila na dinaluhan ng anak ng dating player at coach ng Ginebra na si Robert “Dodot” Jaworski, na dati ring player ng koponan at kabiyak ni sportswoman at ngayo’y International Olympic Committee (IOC) member Mikee Cojuangco-Jaworski.

Hindi nakarating si ex-Sen. Sonny na kasalukuyang nagpapagaling sa isang karamdaman na ayon sa pamilya ay wala pang nakikitang lunas.

Napapanahon ang parangal, ayon kay Fulgencio, sa dahilang noong nakaraang Marso ay ika-75 taon din ng kapanganakan ng Living Legend na kumatha ng ilang legislative landmarks tulad ng Athletes and Coaches Law at Philippine Sports Hall of Fame Law.

Inimbitahan din sa programa sina PBA Commissioner Willie Marcial, PSC commissioner Ramon Fernandez, at kasalukuyang Gin Kings na sina L.A. Tenorio, Stanley Pringle, Scottie Thompson, Japeth Aguilar at Mark Caguioa.

Inanyayahan din ang kabiyak ni Dodot na si Mikee, ngunit madalian siyang umalis noong Biyernes upang dumalo sa mahalagang pulong ng IOC kung saan siya ang kauna-unahang Pilipinong miyembro ng Executive Board.

Ayon kay Bingle Chiudian ng Philpost, ang mga Jaworski stamps ay simula ng serye ng tribute sa 10 maalamat na Pilipino mula sa iba’t ibang larangan kabilang ang sports, theater, fashion at technology.

“This is the initial salvo. We are grateful to Mrs. Evelyn Jaworski and the family for providing the photos that were used in the design of the stamps. The stamps were designed by creative director Rodine Teodoro with Ryman Albuladora as layout artist,” paliwanag ng opisyal.

“Napakalaking karangalan para sa aking ama na mapili ng PhilPost na makasama sa mga binigyan ng pagpupugay sa paglabas ng mga special stamp,” pahayag ni Dodot. “This great honor is testament to all the years my Dad has devoted to his love of the game, his impact on sports in our country and the appreciation of fans who have joined him in his life’s journey.”

Ang pagkakasakit ng dating mambabatas ay lumikha ng kung ano-anong usapan mula noong ito ay mapabalita mahigit isang taon na ang nakalilipas, noong siya ay bumiyahe sa Amerika upang bisitahin ang ilang negosyo ng pamilya sa Los Angeles. Mayroong mga lumabas na tsismis na may cancer siya at may kumalat pang nagka-COVID siya.

Lahat ng mga ito ay pinasinungalingan ni Dodot, kandidato sa pagka-vice mayor ng Pasig City, nang makausap ng SALA SA INIT… SALA SA LAMIG. Sa pangkalahatan, ang kalusugan ng kanyang ama ay inilarawan niya na “alright although not stellar”.

Siniguro din ni Dodot sa mga tagahanga ni Big J na walang cancer ang kanyang ama, walang leukemia, “and his heart is great.” Si Jawo aniya, “suffers from a blood disorder that is causing a very slow and delayed recovery.” Ang mas magandang balita, walang cancer o non-life threatening illness ang kanyang ama.

“He has excessively elevated ferritin (a protein that contains iron) levels but is still anemic,” ayon pa kay Dodot. “He still doesn’t have his old strength back. So we’re hoping and praying that he recovers soon.”

Dagdag pa niya: “Praise God, his heart is strong. He has experienced difficulty in regaining his strength, weight and normal well-being… despite this, he is making good progress and is slowly moving forward.”

69

Related posts

Leave a Comment