IBA ANG MGA PINAY!

ROLL VTR Ni VT ROMANO

SOBRANG saya ng Pinoy fans nitong Linggo ­makaraang tanghaling kampeon ang Philippine ­Women’s National Football Team (PWNFT) via 3-0 win kontra Thailand.

Nakakatuwa lang dahil kahit nasa bahay ka lang at sinusundan sa social media ang live streaming ng laro, mapapasigaw ka bilang suporta sa koponan.

Malaking tulong ang bilang ng mga kababayang Pinoy na dumayo sa Rizal Memorial Stadium.

Nagdagdag iyon ng inspirasyon at kumpiyansa para sa mga manlalaro.

Sa simula pa lamang ng kampanya ng national team, hiniling ni coach Allen Stajcic ang mas maraming bilang ng manonood para dumagsa sa venue, lalo na nang talunin ng mga Pinay ang Vietnam at maisaayos ang finals game kontra Thailand.

At hind nabigo si coach Stajcic, bagaman hindi pa rin punumpuno, sapat na ang 8,257 home fans na dumagsa sa venue.

Resulta: First time nagkampeon ang women’s team sa AFF tournament.

Maganda ang tinatakbo ng kampanya ng women’s team, dating tinatawag na Malditas, talagang nag-maldita sa field ang mga Pinay.

Iba talaga ang mga babae. ‘Di nga ba’t nagagawa ng mga kababaihan ang manganak. Iba talaga ang mga Pinay!

Mula sa third-place finish sa 31st SEA Games sa Vietnam, unang pagkakataong nakapuwesto sa podium ang Pilipinas mula noong 1985.

Nauna rito, nagawang makapasok ng Filipinas sa 2023 FIFA Women’s World Cup kasunod ng semifinals ­appearance sa AFC Women’s Asian Cup.

Sa panalo ng koponan, gaya nang pagpanalo ng ­Azkals sa nakalipas na taon, buhay na buhay ang larong football sa Pilipinas.

Kina Jessika Cowart, Katrina Guillou at Sarina ­Bolden, ang tatlong naka-golden goals, Mabuhay kayo!

Ito ang masasabing laro ng mga Pilipino, hindi kailangang matangkad ang mga manlalaro (maliban ­siguro sa goalkeeper).

Sa susunod na taon, mas malaking kompetisyon ang sasabakan ng mga Pinay.

At doon kakailanganin ng mga pambato ang ­maraming dasal ng Pinoy fans, dahil naroroon sa World Cup ang lahat ng mahuhusay na koponan ng mga bansang kalahok.

Sa ngayon, hayaan na muna nating magdiwang ang Filipinas!

***

KUMUSTA naman ang Gilas Pilipinas sa Indonesia?

Ngayong araw (Martes), haharapin ng Philippine team ang Japan sa playoffs ng 2022 Fiba Asia Cup sa Istora Senayan, Jakarta.

Bigo ang Pilipinas sa kamay ng New Zealand ­kamakalawa, 92-75.

Expected na raw sabi ng marami.

Pagkatapos ng laro, ang kakulangan o kawalan ng mahusay na rebounder ang sinabing dahilan ng pagkatalo.

First quarter pa lang umano alam na ang resulta.

Dahil out-rebounded ang mga Pinoy.

Kahit ano pang sabihin ng fans, wala nang saysay. Tapos na ang laro, talo ang Gilas Pilipinas.

Kaya naman lalong umingay ang fans para palitan ang head coach ng koponan.

Best players na ba ng Pilipinas ‘yung nasa Jakarta?

Sa palagay ko, ang problema ng Gilas Pilipinas ay training. Hindi basta training, kundi mahabang training.

Kahit ilagay mo sa team ang pinakamagagaling na manlalaro ng Pilipinas, kung hindi sapat ang training, walang mangyayari.

Paulit-ulit lang ang resulta.

111

Related posts

Leave a Comment