IRISH MAGNO USAD SA NEXT ROUND

Ni ANN ENCARNACION

IMPRESIBO si Filipina boxer Irish Magno sa kanyang unang laban makaraang dominahin si Christine Ongare ng Kenya Linggo ng umaga para umusad sa Round of 16 ng women’s flyweight (49-51kg) sa pagpapatuloy ng boxing competition sa 2020+1 Tokyo Olympics sa Kokugikan Arena.

Nakuha ng 29-anyos mula Janiuay, Iloilo sa tatlong round ang unanimous 5-0 decision ng mga judge para tuluyang umusad sa next round.

Malakas sumuntok si ­Ongare kaya’t tinapatan siya ni Magno ng kombinasyon ng footwork at 1-2-3 punches na nagbigay sa kanya ng easy win.

Sunod na sasabak ang Pinay na 2015 at 2019 Southeast Asian Games silver medalist kontra Jutams Jitpong ng Thailand, na bronze medallist naman noong 30th SEAG. Maghaharap sila sa Round of 16 sa Huwebes (Hulyo 29).

Ngayong 12:03 ng tanghali sasalang sa unang laban ang isa pang Pinoy boxer na si Carlo Paalam kontra Brendan Irvine ng Ireland sa Round of 32 ng men’s fly (48-52kg).

Nakatakda naman sumabak sa mabigat na laban sa 1:39 ng tanghali si Nesthy Petecio kontra Yu-Ting Lin ng Chinese Taipei sa Round of 16 ng women’s featherweight (54-57kg). Si Yu ang top seed sa nasabing dibisyon.

Mas mauuna naman kina Paalam at Petecio ang kompetisyon ni weightlifter Hidilyn Diaz sa women’s 55kg.

Target ni Diaz na mahigitan ang 2016 Rio Olympics silver medal finish niya sa ikaapat na pagtatangka sa quadrennial meet.

58

Related posts

Leave a Comment