LADY ALTAS PUMALO NG PANALO

95th ncaa women's volleyball tournament

BUMAWI ang University of Perpetual Help System Dalta mula sa pagkatalo sa opening day, nang talunin ang San Sebastian kahapon, 29-31, 25-13, 25-20, 25-20 sa 95th NCAA women’s volleyball tournament sa Filoil Flying V Centre.

Kinuha ng Lady Stags ang first frame matapos ang drop shot mula kay setter Vea Sison.

Rumesbak ang Lady Altas sa sumunod na dalawang sets at nagawang malampasan ang 12-16 deficit sa fourth set upang ilista ang unang panalo.

Si Yanca Tripoli ay may 17 hits, kasama ang huling dalawang match points, habang nagdagdag si Jhona Rosal ng 14 points at 20 digs para sa Perpetual.

“Mabuti na lang, pagdating ng last part ng fourth set, medyo nag-step-up na ang senior ko si Tripoli. At least, kahit paano, nakuha namin yung win,” pahayag ni Perpetual coach Macky Cariño.

Nagdagdag din si substitute Dana Persa ng 11 points at 12 digs, habang si Jenny Gaviola ay may eight points para sa Lady Altas.

Humugot naman si Shane Requierme ng 16 points, kasama ang dalawang service ace, habang may dalawa ring service aces si Jamille Carreon nang kanyang 11 points para sa Lady Stags, na nalaglag sa 0-2.

Sa pangunguna ni Louie Ramirez, may 17 points, kasama ang dalawang blocks at 10 points mula kay Ronniel Rosales, winalis ng Perpetual ang San Sebastian, 25-18, 25-15, 25-21, para sa 2-0 win-loss card sa men’s division at 0-2 naman sa panig ng Baste.

Sunod na makakasagupa ng Perpetual ang Lyceum sa Martes, habang ang San Sebastian ay susubukang pumasok sa win column kontra San Beda.

Maging ang reigning juniors champion Perpetual ay naiposte rin ang ikalawang sunod nitong panalo nang gapiin ang San Sebastian, 25-19, 25-19, 25-20 sa pangunguna ni Noel Kampton na may 21 puntos. (VT ROMANO)

188

Related posts

Leave a Comment