(NI JOSEPH BONIFACIO)
PAREHONG jersey no. 23 ang isinusuot ni LeBron James at ang posibleng maging teammate na si Anthony Davis. Kaya isa sa kanila ang magpaparaya. Iyon ay walang iba kundi si James.
Ayon sa ulat ng ESPN, ipauubaya ni James ang no. 23 kay Davis, habang siya ay babalik sa dating numero 6.
Ang jersey no. 23 ay ginamit ni James habang naglalaro sa Cleveland Cavaliers at sa Lakers nitong nakaraang season.
Habang si Davis ay no. 23 ang jersey sa kanyang pitong season sa New Orleans Pelicans.
Ayon sa ESPN, babalik si James sa no. 6 jersey na kanyang isinuot nang lumaro at manalo ng dalawang NBA crowns sa kanyang apat na season sa Miami Heat.
Maging ang mga larawang kuha sa pelikulang “Space Jam 2” na sequel ng 2996 movie ni NBA legend Michael Jordan at ng animated cartoon Bugs Bunny, ay makikitang nakasuot si James ng no. 6 jersey.
Si Davis ay makukumpleto ang paglipat sa Lakers sa Hulyo 6, petsa kung kailan maaaring ihayag nang pormal ang mga manlalarong makukuha mula sa free agency.
Ang Lakers ay may $32 milyon para mailaan sa free agency sa ilalim ng NBA salary cap rules, ayon sa ESPN, matapos ipamigay sina Mo Wagner, Isaac Bonga at Jemerrio Jones sa Washington para sa maximum salary-cap space nito.
Sinasabing ipinaubaya rin ni Davis ang $4 milyon trade bonus na magbibigay pa sa Lakers ng pagkakataong makakuha ng maximum level NBA free agent, upang lalo pang mapalakas ang koponan para sa 2019-2020 season.
116