MALABO NA SI CLARKSON

(NI JOSEPH BONIFACIO)

HINDI pa pinapangalanan ni Gilas Pilipinas head coach Yeng Guiao ang final 12 players nito na sasabak sa FIBA World Cup sa Foshan, China.

Pero, ayaw nang umasa ni Guiao na mapapasama pa sa lineup si Fil-Am NBA player Jordan Clarkson.

Sa send-off kahapon sa Meralco multi-purpose hall, sinabi ni Guiao, na walang indikasyon na papayagan ng FIBA si Clarkson na makapaglaro sa national team para sa World Cup na magsisimula sa Agosto 31.

“Mukhang wala na si Jordan,” sambit ni Guiao. “It’s too late at this point.”

Si Clarkson ay isinama sa 19-man pool ng Gilas Pilipinas, upang kung sakali sanang payagan ng FIBA ay makalaro ito bilang local player ng Pilipinas.

Base kasi sa FIBA rules, isang naturalized player lamang ang pupuwedeng lumaro sa isang koponan at si Clarkson ay classified bilang naturalized player, dahil hindi siya nakakuha ng Philippine passport nang sumapit ang edad 16.

Nakapaglaro lamang si Clarkson sa koponan ng Pilipinas sa 2018 Asian Games dahil pinayagan ng NBA. Bukod dito, hindi FIBA ang nagpapatakbo ng Asian Games.

Ayon kay Guiao, wala siyang nakikitang indikasyon na babaguhin ng FIBA ang naunang desisyon nitong hindi puwedeng lumaro si Clarkson.

“So, we just have to move on,” wika ni Guiao.

Sa ginanap na send-off, nakaharap ng Gilas Pilipinas ang Australian team na Adelaide 36ers sa pangunguna ng coach nitong si Joey Wright.

Nasa bansa ang nasabing koponan para sa two-game match bukas (Agosto 23) at sa Agosto 25 sa Meralco Gym, bilang bahagi pa rin ng paghahanda sa World Cup.

Dumalo sa send-off sina Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) Chairman Emeritus Manny V. Pangilinan at President Al Panlilio, gayundin si PBA Commissioner Willie Marcial.

“We ancitipate good games against Adelaide 36ers. They play high quality basketball, world-class basketball. This will be a big help to our preparations,” ani Guiao.

Matapos ang dalawang laro laban sa Aussie team ay papangalanan n ani Guiao ang kanyang final 12 lineup.

Kabilang sa pagpipilian ni Guiao ay ang kanyang training pool members na sina Andray Blatche, June Mar Fajardo, Troy Rosario, Japeth Aguilar, Gabe Norwood, RR Pogoy, Paul Lee, Mark Barroca, Christian Standhardinger, Beau Belga, Kiefer Ravena, Raymond Almazan, Robert Bolick at CJ Perez.

Umaasa namana ng koponan na gagaling sa takdang oras ang mga pilay na iba pang miyembro ng pool na sina Marcio Lassiter (MCL sprain), Matthew Wright (ankle) at JP Erram (ankle).

81

Related posts

Leave a Comment